TOTAL DEPLOYMENT BAN

TINIG NG MANGGAGAWA final

INIHATID na sa kanyang huling hantungan ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Maria Constancia Dayag.

Si Dayag ang pinakabagong biktima ng kalupitan ng amo sa bansang Kuwait. Umalis siya sa bansa para magtrabaho bilang domestic helper. Baon niya ang pag-asang maitaguyod ang mga anak na solo na niyang binabalikat matapos siyang mabiyuda.

Ngunit isang araw, nabalitaan na lang ng kanyang pamilya na pumanaw na si Dayag at ang masaklap, ito ay dahil sa pagmamaltrato ng among Arabo.

Sa pagkamatay ni Dayag, napatunayan na hindi sapat ang pagkakaroon ng bilateral agreement ng Pilipinas at Kuwait para masiguro ang kaligtasan ng mga manggagawa sa nasabing bansa.

Aminado rito si Migrante Isabela chairperson Krista Pacis.

Kaya naman nais ng Migrante na wakasan ng pamahalaan ang labor export program para wala nang Pilipino na mabiktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato na tulad ni Dayag.

Pero may pag-aalinlangan sa parte ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung nararapat bang gawing permanente ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait.

Paliwanag ni DOLE Sec. Silvestre Bello III, hindi nila matitiyak na mapagbibigyan ang kahilingan ng grupo sapagkat hindi basta-basta ang pagpapatupad ng deployment ban.

Dapat aniya itong pag-aralan na mabuti at siguruhing hindi mabahiran ng pulitika. Isinasaalang-alang kasi ni Bello ang iba pang mga OFW na maaapektuhan sa sandaling iutos muli ng pamahalaan ang deployment ban sa Kuwait.

Kung inyong matatandaan, Pebrero noong isang taon nang ipatigil ang pagpapadala ng mga Pinoy worker sa Kuwait bunsod ng pagtaas ng bilang ng reklamo ng mga inaabusong manggagawa sa naturang bansa. Higit na nakapagpagalit sa mga Pinoy ang pagkakatuklas sa bangkay ni Joanna Demafelis sa isang freezer na kagagawan umano ng kanyang mga amo.

Di naglaon at lumagda sa bilateral agreement ang dalawang bansa kaya inalis ang deployment ban. Ang nakalulungkot, hindi pa rin nahinto ang pagmamalabis sa mga Pinoy worker sa kabila ng nasabing kasunduan.

Patuloy pa ring may mga nagpapasaklolo dahil sa pang-aabuso ng amo. Hanggang sa mangyari na nga ang kalunos-lunos na pagkamatay ni Dayag.

Nawa’y patuloy na tutukan ng grupo ni Pacis ang pag-usad ng kaso ni Dayag. Huwag sanang mangyari na babaunin ni Dayag sa hukay ang hustisyang nararapat sa kanya.

Kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi sapat ang pakikiramay at pagtapik sa balikat ng mga namatayan. Nawa’y pagpursigihan ng inyong tanggapan at ng iba pang ahensya ng pamahalaan ang pag-abot sa hustisya sa masaklap na sinapit ng isa na naman nating kababayan.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment