TIYAKING MATIBAY ANG EBIDENSIYA

BAKBAKAN NATIN

BUGBOG-SARADO na naman ng Senado ang isang ahensiya ng pamahalaan dahil sa katiwalian at korapsyon.

Sa pagkakataong ito ay ang Bureau of Corrections (BuCor) na nagkataong tinanggal na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinuno nitong si Nicanor Faeldon.

Nabunyag sa media na napakalaking bilang mula sa libu-libong bilanggo na napalaya mula noong 2014 dahil sa konsepto ng “good conduct time allowance” (GCTA) na siyang nilalaman ng Republic Act. No 10592 ay hindi kuwalipikado, sapagkat pawang sangkot sila sa mga karumaldumal na krimen at hindi nagpakita ng totoong magandang asal sa loob ng mga kulungan ng BUCOR tulad ng New Bilibid Prison (NBP).

Ang matindi sa GCTA ay mayroon palang katapat na halaga ito upang makalaya ang isang bilanggo kahit hindi siya kuwalipikado.

Ibig sabihin, mayroong kumikita sa GCTA.

Mayroong katiwalian at korapsyon!

Pokaragat na ‘yan!

Mayroon nang ilang taong lumantad upang patunayang “for sale” ang GCTA.

Magaling kung ga¬yon!

Ngunit, ang posis¬yon ko rito ay dapat tiyaking mayroong matibay na ebidensiya laban sa mga korap na opisyal at kawani ng BuCor na kumita mula sa GCTA.

Idiniriin ko ito, sapagkat napakarami ng imbestigasyong isinagawa ang Senado sa nakalipas na mga taon hinggil sa samu’t saring katiwalian at korapsyon sa kahit anong ahensiya ng pamahalaan, ngunit wala namang nangyayari sa bandang huli.

Tingnan ninyo ang Bureau of Customs (BOC) kung saan si Faeldon din ang pinuno nang imbestigahan ng Senado at Kamara de Representantes ang P6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa matatalas na mga mata ng mga taga-BOC at ang talamak na “tara system.”

Ngunit, anong nangyari kay Faeldon at mga kasamahan niya sa Magdalo na dinala niya sa BOC?

Hindi ba’t napawalang sala ang kaso nila, samantalang hindi pa ito nakararating sa Office of the Ombudsman.

Isinalang din noon ng Senado ang mahigit P10 bilyong pork barrel na kinasangkutan ni Janet Lim Napoles, ng mga senador at kongresista, ngunit wala pang napatunayang nagkasala na mga senador at kongresista na sangkot sa nasabing mahigit P10 bilyong pork barrel.

Naging mainit at malaliman din ang imbestigasyon ng Senado tungkol sa “fertilizer scam” na kinasangkutan ni Gloria Macapagal Arroyo at iba pang matataas na opisyal ng Department of Agriculture (DA), ngunit sa bandang huli’y napawalang sala rin sila ng Sandiganbayan bunga ng kakapusan ng matibay, malakas at sapat na ebidensiyang magdidiin kina Arroyo at mga kasama hinggil sa nasabing fertilizer scam.

Kaya, tulad ng mga nakaraang putok na putok at masyadong maingay na imbestigasyon sa Senado ay mauuwi rin sa wala ang imbestigasyon ng Senado ngayon hinggil sa garapalang mabilis na pagpapalaya sa mga drug lord at mga taong gumawa ng mga karumal-dumal na krimen tulad ng pangingidnap, panggagahasa at pagpatay alinsunod sa GCTA.

Napakaganda sana ng ginagawa ng mga senador, sapagkat nalalaman ng publiko kung sinu-sino ang mga kriminal at mga magnanakaw ng pera ng pamahalaan mula sa mga opisyal at kawani ng BuCor, ngunit nakadidismayang isipin dahil nakikita nating sa bandang huli ay idedeklara ng Sandiganbayan na inosente silang lahat.

Pokaragat na ‘yan! (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment