TIYAKIN NINYONG HINDI PRESS RELEASE ANG AKSYON LABAN SA BILIHAN NG BOTO

BAKBAKAN NATIN

MAGKASAMANG nagpa-press conference kamakailan ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan inamin nilang talamak ang bilihan ng boto sa eleksyong ito.

Kaya, tiniyak ni Comelec Chairman Sheriff Abas na kikilos ang Comelec upang matigil ang ka-demonyohang ito ng mga politiko.

Katunayan, binuhay ng Comelec ang Task Force Kontra Bigay para sa natu¬rang layunin, saad ni Abas.

Todo-suporta naman ang DILG upang mahuli ang mga sangkot sa krimeng ito, tugon ni Usec. Jonathan Malaya.

Ang Philippine National Police (PNP), ayon kay Major General Mao Aplasca ay bumuo ng 105 grupo upang hulihin ang mga taong masasangkot sa bilihan at bentahan ng mga boto sa iba’t ibang panig ng bansa.

Maging ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ay kumikilos din laban sa bilihan at bentahan ng boto.

Todo-todo ang suporta ko sa mga aksyong ito ng Comelec, DILG, PNP at PACC, sapagkat para sa bayan ito.

Ang hangad ko lang ay hindi hanggang “press release” lang ang mga pahayag ng mga opisyal ng mga nasabing ahensya ng pamahalaan laban sa tala¬mak na bilihan at bentahan ng boto.

Marami na kasing pahayag at pangako ang mga nasabing ahensya laban sa masasamang gawain patungkol sa eleksyon, ngunit pagtapos maglabas ng kanilang opisyal na press release sa publiko sa pamamagitan ng media ay wala nang resulta.

Tama ba ako o mali?!

SI COL. SEGUN, SI ‘COLLECTOR’ ZALDY AT PERGALAN SA CAVITE

HINDI maipagkakailang ginagampanan nang husto ni Col. William Segun ang kanyang gawain, tungkulin at obligasyon laban sa iligal na droga bilang hepe ng pulisya sa Cavite.

Naglulunsad din ng sorpresang dalaw si Segun sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa mga lungsod at bayan ng Cavite upang malaman at madiskubre niya mismo kung sinu-sino ang mga pulis-Cavite na batugan, natutulog sa himpilan ng pulisya at umiinom habang naka-duty.

Sa aspetong ‘yan ay maaari nating sabihing pasado si Segun na maging brigadier general.

Pero, may nakikita akong sagka sa kanyang promosyon.

Ito ay ang kanyang kapalpakang sugpuin ang napakatalamak na iligalidad sa buong Cavite.

Talamak ang jueteng na gamit ang small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), saklaan, pergalan at marami pang iba.

Iyong saklaan ni alyas “Zaldy” sa loob ng Cavite Cockfighting Arena sa Cavite City at buong Cavite City ay pihadong hindi magagalaw, sapagkat ipinagyayabang ng taong ito na nakapuwesto sa Task Force Ma-verick ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police – Region 4 – A (PNP–Region 4–A) ang kanyang boss na pulis.

Walang takot si alyas Zaldy na ipangalandakang ‘collector’ siya ng pulis sa Task Force Ma¬verick.

Ito marahil ang dahilan kung bakit namamayagpag ang mga saklaan ni Zaldy sa Cavite City at kung bakit hindi magalaw ni Segun ang iligalidad ng Zaldy na ito.

Hindi nakapagtataka, sapagkat ultimong mga pergalan sa Lungsod ng Imus ay hindi rin ipinatitigil at ipinasasara ni Segun.

Maraming pergalan sa mga barangay sa Imus kung saan ang isang alyas “Nelma” ang patok na patok ngayon sa lungsod na ito.

Kitang-kita ang pergalan ni Nelma sa erya ng MCI na lahat na yata ng iligal na sugal ay nakalatag, ngunit hindi ipinatitigil at ipinasasara ni Col. William Segun.

Bakit? Malakas ba si Nelma kay Segun o sa hepe ng pulisya ng Imus?

Ang balita ko, inayos na ni alyas Nelma ang isang alyas Landong Bulag tulad ng ginawa nina Atienza, Panganiban at iba.

Ibang klaseng magyabang ang alyas Lando na ito dahil ang sinasabi ng taong ito sa mga operator ng mga iligalidad ay ‘malakas’ siya kay Col. Segun.

Abangan ang kahulugan ng ‘malakas.’  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment