THE BEST RESOURCE IS HUMAN RESOURCE

GO FOR GOLD final

“YAN ang mga totoong tao, anak. Tratuhin mo sila nang maayos. Pati buhay nila itataya nila para sa iyo.”

Ito ang di ko malilimutang advice sa akin ng tatay ko nung nag-aaral pa ako pagdating sa mga empleyado o mga tao sa laylayan.

Si Atty. Teodoro Montemayor Sison ay floor manager at trouble shooter noon sa Queens Supermarket. Kung saan may problema na branch – duon sya binabato. Ang Queens ay itinayo noon ng aking tiya, Norma Sison Buendia at ng kanyang asawang si Honesto. Mula sa bigasan, napalago ito ni Tia Norma hanggang maging Family Grocery sa Aurora Boulevard sa may San Juan, at eventually naging Queens Supermarket na largest chain ng supermarket noon na Filipino-owned.

Marahil dahil black sheep ng pamilya ang tatay ko kaya sanay syang lusutan ang mga gusot. Dala na rin ang galing nyang makisama sa tao.

Malaki ang impluwensiya ng erpat ko sa aming magkakapatid, lalo na sa kanyang pakikipag-kapwa tao.

Ako mismo, bumibiyahe pa ako hanggang San Andres para lang makasama ko ang tatay ko sa Queens San Andres – tapat ng San Andres Market. At duon nakita ko kung paano niya nailabas ang galing ng mga tao niya. At mismong mga tao niya ang nagpapatotoo na ginagawa nila ang best nila dahil sa kanya.

Hindi naman lahat sasang-ayon sa ganitong approach. Para sa iba, karinyong brutal ang mas epektibo.

Kayo ba? Ano ba ang pananaw nyo rito?

Sa totoo lang, ilang beses na natin narinig ang katagang “The best resource is human resource.” Na ang mga empleyado ang pinakamahalaga sa ating negosyo. Ngunit bihira ang nagpa-follow thru sa pamamagitan ng pagtrato nila nang maayos sa mga empleyado nila.

Iba-iba naman ang management style kasi ng mga namumuno. Iba-iba rin ang corporate culture.

Pero sa sarili kong experience, iba ang performance o productivity ng tao kapag tinrato mo siya nang maayos. Natural, mahalaga dito ang sahod na binibigay natin sa ating mga empleyado.

Naiintindihan ko na marami ang hindi makapagbibigay ng increase dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Pero subukan niyo na tumaya sa tao niyo nang makita ninyo ang laking lukso ng benta o kakaibang improvement sa inyong negosyo.

Ilang beses ko nang napatunayan yan. Iba ang bagsik ng output o performance ng isang team o workforce na well motivated.

Alam nyo, hindi naman lahat financial ang basehan. Mas marami pa nga na mas mahalaga na tratuhin lang sila nang maayos o bigyan sila ng importansya.

Bakit di ninyo subukan nang malaman ninyo mismo kung totoo ang sinasabi ko o hindi?

Golden rule lang. Sapat na sa ikauunlad ng inyong negosyo o organisasyon. (GO FOR GOLD / PAUL SISON)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment