TEAM PILIPINAS PATULOY NA HUMAHAKOT NG MEDALYA SA SEA GAMES

BAKBAKAN NATIN

MABUHAY ang mga atletang Filipino!

Palakpakan natin ang Team Pilipinas sa ipinakikita nitong husay sa iba’t ibang laro sa ika-30 taon ng South East Asian Games (SEA Games).

Malinaw na walang kapaguran at walang tigil ang pagkakamit ng mga manlalaro ng mga medalya, lalo na ng ginto.

Kung susumahin sa pinakahuling bilang ay mahigit na 100 ang medalyang nakuha ng mga atletang Fiipino.

Nasa 50 ang ­medalyang ginto ang nakuha ng bansa.

Unang araw pa nga lang ng palaro, naungusan na ng Pilipinas ang kabuuang 24 medalyang ginto na nakuha natin sa 2017 SEA Games na ginanap sa Malaysia.

Resulta ito ng pagpupursigi ng mga ­organizer at sports officials sa ­ating mga atleta na muling makuha ang overall champion title sa SEAG na naibulsa ng Pinas sa 2005 SEA games na inilunsad din noon sa ating bansa.

Umabot sa 112 gintong medalya ang nakuha ng Pilipinas noong 2005 SEAG at maaari itong higitan sa nagaganap na 30th SEA Games.

Tingnan ninyong mabuti, unang araw  pa lamang ng SEA Games ay nalagpasan na ng Team Pilipinas ang 24 na gintong medalya na nakuha ng mga atletang Filipino noong 2017 SEA Games sa  Malaysia.

Pihadong patuloy pang nadadagdagan ang mga gintong medalya ng Pilipinas lalo na sa 14 gold medals na napanalunan sa arnis, 10 gold ­medals sa dance sports, 2 sa wushu, 2 sa gymnastics at iba pang gintong medalya na nakopo sa iba pang sports events.

At sa ikatlong araw, nakapagtala na ang Pilipinas ng 47 na gintong medalya bukod pa sa silver at bronze medals na nasungkit ng ating mga manlalaro sa iba’t ibang sports events.

Hindi na kasi nakabawi ang Pilipinas sa performance nito sa SEAG dahil noong 2017, 41 gold medals lamang ang naipanalo, 38 gold ­medals noong 2009, 36 gold ­medals noong 2011, tig-29 gold medals noong 2013 at 2015, at 24 gold medals lamang noong 2017.

Tayo ay umaasa na mababaliktad ang performance natin sa SEA Games dahil inspirado at ganadung-ganado ngayon ang ating mga manlalaro dahil sa napakalakas na suporta na ipinapakita sa kanila ng pamahalaan.

Ang magandang nagaganap sa Ika-30 taon ng  SEA Games ay kapansin-pansing ngayon lang nangyari sa ­administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tulong ni PHISGOC president at House Speaker Alan Peter ­Cayetano na nanguna sa pagpapagawa ng olympic standards sports venues tulad ng sports stadium at aquatic center sa New Clark City sa Tarlac.

Inihayag mismo ng mga atleta na inspirado silang makipaglaban sa kani-kanilang sports dahil sa napakalakas na suporta sa kanila ni Duterte, sa partikular, at ng mamamayang Filipino, sa pangkalahatan.

Ganado rin ang mga atletang Filipino dahil dumarayo ang mga  kababayan natin sa iba’t bang sports venues upang manood at magpakita ng suporta sa mga manlalarong Filipino.

Nagalak nang husto ang mga manlalaro sa napakagandang seremonya ng pagbubukas ng ika-30 taon ng SEA Games sa Philippine Arena noong Nobyembre 30 na sinalubong ng nakabibinging hiyawan at palakpakan ng mga manonood nang pumarada na sa entablado ang mga atletang Filipino.

Kaya naman, maging ang OCA o Olympic Committee of Asia ay napabilib sa hosting ng bansa sa SEA Games.

Kaya hinikayat ni OCA Vice President Jizhong Wei ang Pilipinas na mag-bid para sa 2030 Asian Games.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya tawag o mag-text na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Related posts

Leave a Comment