TAMA SI SEN. LACSON, MALI SI PRES. DUTERTE

CHRISTIAN BOMB

KUNG para kay Pangulong Duterte ay tama lang na gamitin ang pondo ng Marawi Rehab Fund sa ibang bagay, para naman kay Sen. Panfilo Lacson ay mali ito.

Pinagsabihan kasi ni Pangulong Duterte ang Commission on Audit (COA) na huwag gipitin si Task Force Marawi Head Secretary Eduardo del Rosario kaugnay sa P5 milyong pondo na ginamit sa Hajj pilgrimage ng mga taga-Marawi sa Saudi Arabia.

At ang babalang ito ay ginawa pa ng Pangulo sa selebrasyon ng Eid’l Fitr sa Davao City nuong Huwebes ng gabi kung saan kinuwestiyon ng COA ang pondo ng Task Force Marawi na ginamit sa pilgrimage sa halip na para sa pagpapatayo ng mga bahay ng mga biktima ng giyera.

Ang sabi pa nga ng Presidente, mas mahalaga raw ang pilgrimage kaysa mansyon.

Para kay Sen. Lacson, isyu ng technical malversation ang paggamit sa P5-M pondo para sa Marawi rehabilitation para gastusan ang pilgrimage ng ilang residente ng Marawi sa Mecca, Saudi Arabia.

Reaksyon ito ni Sen. Lacson sa ginawang pagdepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa paggamit sa pondo ng Marawi sa pilgrimage na pinuna ng COA.

Ayon kay Lacson, ang paggamit sa pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi ay hindi usapin ng kung ano ang mahalaga sa pagitan ng relihiyon at bahay.

Ito aniya ay technical malversation o paggamit sa pondo na hindi sa tunay na pinaglaanan nito.

Sa isyung ito, maling-mali si Pangulong Duterte sa kanyang sinabi na ginigipit daw ng COA si Sec. Del Rosario, dahil ang ginagawa lang naman ng COA ay sundin kung ano ang mandato nila na nakasaad sa Kons­titusyon, at ito ay ang suriin kung nagagamit sa wasto ng mga opisyal ng gobyerno ang pondo ng bayan na nasa kanilang mga tanggapan.

Ika nga, tama si Sen. Ping at mali si Pres. Duterte sa isyung ito. (CHRISTIAN’S BOMB/CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment