TAMA SI PRES. DUTERTE NA SILIPIN DIN ANG KONTRATA SA IBANG KUMPANYA

CHRISTIAN BOMB

IISA-ISAHIN na raw ni Pangulong Rodrigo Duterte na silipin ang mga napasok na kontrata ng gob­yerno na may kinalaman sa pang-araw-araw na pangangailangan ng taumbayan, at kabilang sa aalamin ng Presidente kung talo o hindi ang mamamayan sa serbisyo sa kuryente ng Meralco.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, matapos na mabisto ni Pres. Duterte na talo ang mamamayan sa pinasok na kontrata ng gobyerno ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa Manila Water ng mga Ayala at Maynilad ni Manny V. Lopez noong 1997.

Sa kontrata ng Manila Water at Maynilad sa gobyernong Ramos ay nakasaad na kapag nalugi ang dalawang water firms ay sa pamahalaan nila ito sisingil, bukod pa sa nadiskubre na ang bayad sa corporate income tax ay sa konsyumer ipinapasa ng pamilya Ayala at ni Pangilinan.

Sa galit ng Presidente ay ipinakansela nito ang kontrata para sa taong 2037 ng Manila Water at Maynilad na nalagdaan naman noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na ibig sabihin ay hanggang taong 2022 na lang ang kontrata sa pamahalaan ng dalawang kumpanya ng tubig.

Sabi ni Panelo, nais ni Pres. Duterte na mabigyan ng proteksyon ang mga konsyumer na kumokunsumo ng mga pangunahing pangangailangan sa araw- araw.

Sinabi ni Panelo, hindi palalampasin ng Pangulo ang anumang makikita nitong ilegal na talo o agrab­yado ang publiko.

Bukod sa Meralco, sisilipin din ng Pangulo ang kontrata ng gob­yerno na may kinalaman sa transportasyon at telekomunikasyon.

Mainam ang mga gagawing iyan ni Pres. Duterte at kung sakaling talo rin ang mamamayan sa pinasok na kontrata ng mga nakaraang administrasyon sa kuryente, transportasyon at telekomunikasyon ay dapat ipakansela na rin agad ng gobyernong Duterte ang kontrata sa mga ito upang matigil na ang pagsasamantala ng mga abusadong kapitalista sa publiko.

oOo

TIMBRE: Paging Manila Police District (MPD) Director, Gen. Bernabe Balba, isang alyas “Tata Delo” raw ang nagbibigay proteksyon sa bookies nina alyas “Boy Abang” at “Lorna” sa Tondo, Manila, paki-aksyunan naman! (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Related posts

Leave a Comment