TALAMAK ANG KORAPSYON SA DPWH

BAKBAKAN NATIN

NAKASASABIK ang iaanunsyo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) tungkol sa dalawang miyembro ng gabinete ng administrasyong Duterte na iniimbestigahan ng ahensiya tungkol sa korapsyon.

Sabi ni PACC Commissioner Greco Belgica, nasa “final stage” na ang imbestigasyon laban sa dalawa.

Pinag-aaralan na lang ang “penalties” na ipapataw sa dalawa, tugon ni Belgica.

Sino kaya ang dalawang ito?

Syempre, hindi na kasama si Secretary Emmanuel Piñol, sapagkat lumitaw sa imbestigasyon ng PACC na hindi ito nagpayaman habang kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Ang paglilinis sa pangalan ni Piñol ay nakasaad sa PACC Resolution No. 14, series of 2019 na inilibas nitong Hunyo 10 ng taong kasalukuyan.

Tinanggal na siya sa DA ni Pangulong Rodrigo Duterte at itinalagang hepe ng Mindanao Development Authority (MDA).

Ang alam kong napabalita sa media na iniimbestigahan ng PACC ay sina Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE), Isidro Lapeña ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at National Commission on Indigenous People (NCIP) Chairman Leonor Oralde-Quintayo.

Ang kaso ni Lapeña ay may kinalaman sa ismagling ng P6.4 bilyong shabu.

Tungkol naman sa reklamong pangingikil ng P6.8 milyon sa Azizzah Manpower Services kaugnay sa pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa ang imbestigasyon ng PACC laban kay Bello.

Walang detalyeng nakarating sa media hinggil sa partikular na kasong kinasangkutan ni Quintayo.

Marahil, ito’y dahil sa hindi sikat na opisyal si Quintayo – ‘di tulad nina Piñol, Lapeña at Bello.

Masuwerte itong si Secretary Mark Villar, sapagkat hindi ito napapabalitang nasangkot sa anomang katiwalian at korapsyon simula nang maging kalihim ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH), samantalang alam ng publiko na talamak ang katiwalian at korapsyon sa DPWH.

Hindi naman tayo ipinanganak kahapon hinggil sa beteranong katiwaliang nangyayari sa DPWH.

Ang DPWH ay palaging pasok sa sarbey tungkol sa katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.

Mayroon ngang balita dati na may ilang ‘matitikas’ na matataas na opisyal sa DPWH na hindi pwedeng “exempted” sa komisyon sa malalaking proyekto ng DPWH.

Kung wala mang reklamo ng katiwalian at korapsyon laban kay Villar, hindi nangangahulugang literal na wala ng katiwalian at korapsyon sa DPWH.

Kung hindi man isinasalang sa tinatawag na “lifestyle check” si Villar, hindi rin ibig sabihin na walang tiwali at korap na opisyal sa DPWH.

Tanungin natin sina DPWH – NCR Director Ador Canlas at Assistant Director Juby Cordon kung tama ako o mali.

Tanungin din natin sina DPWH – Region 4 – A Director Samson Hebra at Assistant Director Yolanda Tangco.

Sila ay pawang beterano na sa DPWH.

Ang mga opisyal at inhinyero sa DPWH ay kilalang-kilala ang mga beteranong kontraktor.

Magpapalit-palit man ng mga pangalan ng kompanya ang mga kontratistang ito ay pihadong malalaman ng mga opisyal at inhinyero sa DPWH ang mga ito.

Ang mga kontratistang ito ay sumasalang sa subasta bago manalo at makuha ang proyekto.

Dito na sa proseso ng pagsusubasta ng proyekto ng DPWH ‘niluluto’ ang korapsyon.

Dapat iniimbestigahan din ng PACC kahit hindi kasapi ng gabinete ni Duterte, sapagkat napapalitan at natatanggal ang mga miyembro nito alinsunod sa kagustuhan ng pangulo ng bansa.

Matanggal man ang isang kalihim ng kagawaran, hindi awtomatikong natatanggal ang katiwalian at korapsyon.

Tandaan, hindi awtomatikong napapalitan at natatanggal ang mga “career officer” ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment