SUSPEK SA PAMAMASLANG, MAY ANGAS SA PAMPANGA

NIPIS

MATINDI ang dahilan sa pamamaslang sa kolumnistang si Jupiter Gonzales at kasama nitong si Christopher Tiongson na binaril nang malapitan sa loob ng kanilang sinasakyang kotse sa Arayat, Pampanga, ilang metro ang layo sa isang peryahan o pergalan.

Kilala na ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS)  sa pangunguna ni Executive Director Undersecretary Joel Sy-Egco ang suspek sa pamamaslang kaya’t nasabi ng mga ito na hindi kasama sa trabaho ni Gonzales, alyas “Spider”, bilang mamamahayag ang motibo ng suspek sa pamamaslang.

Magkagayunman, kailangang mabigyang katarungan ang marahas na pagkamatay ng isang kapatid sa hanapbuhay sa kamay ng isang taong sinasabing may angas sa Arayat, Pampanga at posibleng pinoprotektahan ng kanyang amo na umano ay isang politiko.

Ang pumatay kay Spider, base sa imbestigasyon at ilang saksi sa pangyayari, ay sumakay pa sa kaliwang likurang bahagi ng sasakyan ng mamamahayag kung saan hinihinalang nagkaroon sila ng sagutan at posibleng bago ito bumaba ay nabaril na niya sa Tiongson.

Base sa CCTV footage, binuksan ng gunman ang pintuan ng kotse na minamaneho ng mamamahayag at tinangkang agawin ang manibela mula kay Gonzales na nagawa pang ilayo ang sasakyan subalit bumangga sa flower box.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo ang mga biktima na nangangahulugang hindi talaga sila bubuhayin ng suspek.

Pero sino nga ba ang suspek? Ayon sa ilang source, tauhan ito ng isang peryahan/pergalan sa Pampanga. Ang peryahang pinagtratrabahuhan ng suspek ay namamayagpag umano noon sa lalawigan ng Rizal subalit dahil sobrang angas ng mga ito ay nainis na ang mga taga-Rizal kaya’t sinipa sila o ipinatanggal na ang kanilang peryahan/pergalan. Kaya’t dumayo ang mga ito o lumipat sa Arayat.

Posibleng parang karayom na dumaan ang peryahang pinapangasiwaan ng suspek sa bunton ng dayami bago sila nakapagbukas sa Arayat, Pampanga at siyempre, may basbas ito ng police station commander at higit sa lahat ng alkalde ng Arayat.

At natural lang na magbigay ang mga ito ng pasalubong o goodwill para sa proteksyon sa kanilang ilegal na pasugalan upang maging matibay ang mga ito sa mga “naghaharing uri” sa nasabing bayan.

Kung talagang malinis ang kamay ng alkalde at ng chief of police ng Arayat dapat ay ipag-utos ng mga ito ang pagpapasarang peryahang pinangangasiwaan ng suspek sa pamamaslang kay Jupiter Gonzales.

Panawagan na rin kay P/Col. Jean S. Fajardo, Provincial Director ng Pampanga, na sana’t pakilusin niya ang kanyang mga tauhan upang tumulong sa PTFoMS na malutas ang kaso at mabigyang katarungan ang pagkamatay ng isang mediaman.

Sa pag-upo ng bagong Director ng Police Regional Office 3 na si P/ BGen. Leonardo Cesneros nawa’y maging mahigpit na ang mga ito sa pagpapatupad ng batas at maging mahigpit na ang mga ito sa patuloy na operasyon ng mga ilegal na pasugalan.

Higit sa lahat, nawa’y maresto na ang suspek upang sa gayun ay mabigyang katarungan ang pagkamatay ng biktimang pinagbabaril nang walang kalaban-laban. Sabagay, nangako naman ang PTFoMS na sasampahan ng kaso ang suspek na hihinihalang binibigyang proteksyon ng kanyang among politiko. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment