STYLE NG MAYNILAD, MANILA WATER BULOK

NIPIS

SABI ng dalawang concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ay nakakaranas sila nang pagkalugi.

Aba, noon pa mang hindi nakikita ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang panloloko ng  Maynilad at Manila Water sa mamamayan at pamahalaan ay sinasabi na ng mga ito na nalulugi sila kaya’t panay na panay ang pasa nila sa balikat ng gob­yerno  lalo na sa bulsa ng mamamayan sa mga gastusin na dapat ay sila ang bumabalikat.

O, hindi ba’t kakaiba ang style ng Maynilad at Manila Water? Aba’y kumikita na ng bilyon-bilyong piso dahil sa dami nang gumagamit ng tubig sa Metro Manila at mga katabing lalawigan pero sinasabing nalulugi sila.

Ay naku, kapag kumagat ang opisyales ng pamahalaan sa drama ng Maynilad at Manila Water ay tiyak na tatawa lang ang huli dahil iniisip nila na naisahan nila ang administrayon ni Pangulong Digong.

Mabuti na lang, hindi kumagat ang Malakanyang sa pahayag ng dalawang water concessio­naires dahil batid naman ng lahat na bulok ang style ng mga ito.

Kaya nga dapat na bansagan ang mga ito ng SMB na hindi nangangahulugang San Miguel Beer subalit Style Mo Bulok.

Totoo namang bulok ang style nila dahil dati na nilang niloko ang mga kliyente nila sa pamamagitan ng pagpasa sa mga ito ng kanilang mga gastusin at pagawain para sa kanilang kumpanya na dapat ay bahagi ng kanilang serbisyo.

Sa madaling salita, style ng mga ito na gulangan ang mamamayan at ang pamahalaan samantalang panay ang kabig nila sa kita na umaakyat sa kanilang kumpanya.

Kung hindi ba naman magulang ang mga ito, ang karaniwang negosyo ay nagbabayad ng tax samantalang sila ay hindi. O, hindi ba nasanay sila sa dating administrasyon na karamihan sa mga nakaupo ay may kamag-anak  o kaibigan na kasosyo ng nasabing mga kumpanya ng tubig?

Hay naku, tila namayagpag ang kamag-anak incorporated noong nakalipas na administrasyon kaya’t sinamantala rin ng Maynilad at Manila Water ang kanilang mga pribilehiyo kaya naman itinuloy nila noong panahon ni Presidente Duterte sa pag-aakalang hindi dila mabubuking.

Naman! Ang lahat ng bagay  ay may hangganan. Hindi habang panahon ay puwede ninyong lokohin ang pamahalaan at walanghiyain ang mamamayan. Dumating na ang araw ninyo at tapos na ang panahon ninyo kaya dapat ay ibalik ninyo ang para sa tao.

Paano nga bang nalulugi ang Maynilad at Manila Water gayung sila ang may kontrol ng pres­yo ng tubig? Hindi ba’t noon pa man kapag gusto nilang magtaas ng presyo sa kanilang serbisyo ay ginagawa nila habang nakamasid lang ang mga nasa gobyerno dahil nga sa kanilang koneksyon?

Aba, aba, aba. Istap! Makonsensiya naman kayo.  Tutal, sasapit na ang Pasko at Bagong Taon, magbago na kayo. Magbago na kayo ng bulok ninyong style at maglinis na kayo ng mga konsensiya ninyo.

Sana, sa pagsapit ng 2020, iba na ang mga patakaran ninyo. Hindi lang basta kumita ng malaking pera subalit maayos na serbisyo sa publiko.

Higit sa lahat, magba­yad kayo ng tamang buwis para kumita naman sa inyo ang gobyerno at huwag ninyong ipasa sa publiko. Hindi naman ninyo madadala sa patutunguhan ninyo ang perang ginarapal n’yo. (NIPIS / LEA BOTONES)

Related posts

Leave a Comment