SOLIMAN: MAGSASAKA, PANAHON NA UPANG  UMANGAT ANG PAMUMUHAY

NIPIS

ANG inyong lingkod ay para lang si Dora the Explorer na dahil nais makatuklas ng kung anu-anong bagay ay kung saan-saan nakakarating at suwerteng nakatiyempo ng isang taong makapagbubukas ng isipan kaugnay sa problema ng pamahalaan at ng bayan kaugnay sa bigas.

Totoong suwerte dahil nakakiskisang siko ng NIPIS ang rice trader na si Jomerito “Jojo” Soliman sa bloodletting na isinagawa sa Sky Med Health and Laboratory Center Inc. sa Dasmariñas St., Binondo, Manila noong Sabado kung saan nagtungo ito upang magdonate ng dugo.

Naglakas ng loob ang inyong lingkod na magtanong kaugnay sa kanyang maitutulong sa problema ng bansa kaugnay sa bigas na kanya namang pangunahing negosyo.

Sinabi ni Jojo Soliman na tama ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Food Authority (NFA) na bilhin ang palay ng mga magsasaka sa medyo mataas na presyo sapagkat ito ang tamang panahon upang umangat ang mga ito sa kanilang pamumuhay.

Ang kikitain ng mga magsasaka ay magiging sagot sa gastusin nila sa araw-araw bukod pa sa puhunan na rin sa kanilang muling pagtatanim.

Upang makatulong sa mga magsasaka na basa ang palay, handa si Soliman, kabilang sa nagtataguyod ng Rosita Soliman Foundation kasama ang mga miyembro ng Rotary Club of Raha Sulayman-Manila, na ipahiram ang kanyang makina sa pagpapatuyo ng palay.

Sinabi rin ni Soliman na handa siyang ipagamit sa mga magsasaka ang kanyang gilingan ng palay o rice mill sa iba’t ibang bahagi ng norte na ang babayaran lang ng mga ito ay minimal amount.

Malaki ang pagnanais ni Soliman na makatulong sa ating mga kababayang magsasaka upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga ito dahil batid niya ang hirap na pinagdaraaanan ng mga ito upang maitaguyod lang ang pagsasaka sa bansa.

Ayon pa sa negosyante, kapag nagiling na sa kanyang rice mill ang palay ng mga magsasaka, bahala ang mga ito na magbenta sa palengke sa mas mataas na halaga upang kumita naman ang mga ito at hindi na pagsamantalahan ng mga negosyante nang-iipit sa mga ito.

Nabatid na kaya alam ni Soliman ang pinagdaraanan ng mga magsasaka ay dahil halos animnapu’t limang (65) taon na ang kanilang negosyo at halos apat na henerasyon na ang dinaanan kaya’t malabong maging rice smuggler siya.

Matatandaang noong maupo si Presidente Digong, lumabas ang balita na rice smuggler si Soliman na sa bandang huli ay nalinis ang kanyang pangalan. Natural, negosyo ang lakad nito kung kaya’t ang kanyang kalaban ay gumawa ng paraan upang mawakwak siya at masira ang pangalan. Pero may kasabihan nga “You can never put a good man down,” kaya’t vindicated si Soliman nang lumabas ang totoo na siya pa nga ang biktima ng ilang tiwaling tauhan ng Bureau of Customs (BoC).

Nasabi rin ni Soliman na sana ay bigyang pansin ang mga magsasaka sa rice tarrification law sapagkat talaga namang kaawa-awa ang kalagayan ng mga ito. Aniya, sa Pilipinas lang mababa ang kategorya ng mga magsasaka dahil sa ibang bansa, sila ang kinikilalang mga bayani at pag-asa ng bansa lalo na ang mga rice consuming countries.

Idinagdag ni Soliman na sana, matapos mabili ng NFA ang palay ng mga magsasaka sa mataas na presyo, magbigay din ang mga ito sa bawat bayan ng makinang pantuyo ng palay upang sa ganoon ay hindi baratin ng mga negosyanteng namimili ng palay ang produkto ng mga magsasaka.

Kapag tuyo, ani Soliman, mas mahal ang benta at mas malaki ang kita ng mga magsasaka na sa umaga pa lang ay nasa bukid na at doon na inaabot ng takipsilim upang masiguro na maayos ang kanilang mga pananim.

Iginiit pa ng negosyante na sumusuporta sa Raha Fire Volunteer at Raha Medics na sakaling magbibigay ng mga makinang magiging kapakipakinabang sa mga magsasaka tulad ng pantuyo sa palay at gilingan, huwag na itong gawing pera na ibibigay sa halip ay makina na kaagad upang hindi na mapamahal ang pagbili at gugugol pa ng panahon sa paghahanap ang mga magsasaka. May posibilidad nga naman kasi na makuha ng mahal pero mahinang klase kaya mas makabubuting ang pamahalaan na mismo ang bumili. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment