SOBRANG TINDI NAMAN NI SPEAKER CAYETANO

BAKBAKAN NATIN

NAGDESISYON si Speaker Alan Peter Cayetano na mamahagi ng P150,000 Christmas bonus sa bawat regular na kawani ng Kamara de Representantes.

Ganyan kalaking ­halaga ang ibinigay ni Cayetano sa mga kawani ng Kamara upang tiyaking mas mataas ang Christmas bonus na kanyang ipinamigay kumpara noong si Gloria Macapagal-Arroyo ang pinuno ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Umabot sa P110,000 ang ipinamahagi noon ni Arroyo.

Siyempre, tuwang-tuwa ang mga empleyado ng mababang kapulungan noong panahon ni Arroyo.

Masayang-masaya rin sila ngayong panahon ni Cayetano.

Kaso, maraming ­nagreklamo, sapagkat ang totoong natanggap nila ay P112,000. May bawas na P38,000 bilang withholding tax. Kahit binawasan ng buwis, napakalaking bonus pa rin ang P112,000.

Kung sisipatin at uunawaing mabuti, napakasama ng ginawa ni ­Cayetano sapagkat nagbigay siya ng mahigit sandaang libong pera sa mga kawani samantalang napakapalpak ng Kamara sa ilalim ng kanyang liderato.

Apat na panukalang batas lang ang naipasa ng Kamara ni Cayetano.

Ito ay ang mga panukalang batas sa pagpapaliban ng eleksyon ng barangay at Sangguniang Kabataan, pagbibigay legalidad sa Malasakit Center ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, Standardization Law of  2019 at ang General Appropriations Act for 2020.

Sa apat, dalawa ang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay ang tungkol sa pagpapaliban ng halalan at Malasakit Center.

Tinatapos pa ng Senado ang Standardization Law at ang GAA 2020 naman ay binubusisi at pinag-aaralan pa ni Duterte bago lagdaan upang malaman kung mayroong badyet na pagkukunan ng karagdagang perang maipapasok sa bank accounts ng mga senador at kongresista o wala.

Napakalinaw ng kapalpakan ng Kamara sa liderato ni Cayetano, ngunit hindi siya nahiya sa mamamayang Filipino na bigyan ng P150,000 ang mga regular na kawani ng mababang kapulungan.

Gusto bang ipamukha ni Cayetano na siya ang ‘pinakamagaling’ na speaker dahil namigay siya ng P150,000 kaya dapat lang siyang manatiling speaker hanggang Hunyo 30, 2022?!

Kung gayon, sobra namang tindi ni Ginoong Alan Peter Cayetano sa pagpapapogi gamit ang pera ng pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Ang isa pang nakasusuka sa ginawa ni ­Cayetano ay ipinakalat niya sa media ang balitang napakataas ng inangat niya sa sarbey ng Pulse Asia mula Disyembre 3 hanggang 8 kumpara sa sarbey noong Setyembre dahil sa napakagandang ginawa ng Kamara.

Idiniin pa sa balita na dinaig ni Cayetano sa laki ng kanyang puntos, sina Pangulong Duterte, Bise Presidente Ma. Leonora Robredo at Senate President Vicente Sotto III.

Ang mataas na marka ni Cayetano sa sarbey ay resulta ng pagiging numero uno ng Team Pilipinas sa katatapos na South East Asian Games.

Sa madaling salita, ang pagiging kampeon ng mga manlalarong Filipino ang nagbigay ng mataas na marka kay Cayetano sa sarbey na ginawa habang nagaganap ang SEA Games.

Hindi ang nagawa ng Kamara mula Hulyo hanggang Disyembre 2.

Kung Kamara ang paksa sa sarbey, sinong tao ang matutuwa sa apat na panukalang batas na ipinasa ng Kamara samantalang ang lahat ng ito ay walang kinalaman sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, guro at mamamahayag?

Walang panukalang batas para sa interes at kagalingan ng mga magsasaka at mangingisda.

Ang mayroon ay panukalang batas na naglalaan ng P500,000,000 pondo para sa proyekto ng bawat isang kongresista sa kani-kanilang distrito, kabilang diyan ang distrito ng mag-asawang Speaker Alan Peter Cayetano at Rep. Ma. Laarni Cayetano sa Lungsod ng Taguig at Munisipalidad ng Pateros.

Ngayon, sabihin n’yo kung tama o maling ­sabihing sobrang tindi ni Cayetano.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya tumawag o mag-text na sa 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Related posts

Leave a Comment