SINO ANG TUNAY NA PANALO?

RESPONDE.jpg

USAP-USAPAN na naman ang labanan para sa “Speaker of the House” sa dami ng balitang naglabasan nitong nakaraang mga araw.

Sa ating inihaing opinyon ilang linggo na ang lumipas, aking ipinakita ang mga posibleng sitwasyon na mangyayari.

Kung inyong matatandaan ibinahagi ko na maaaring ang magwagi ay si Cong. Martin Romualdez or “term-sharing” nina Cong. Romualdez at Cong. Lord Allan Velasco. Eto ay kung mag-uusap si ­dating Speaker Gloria ­Macapagal Arroyo at Mayor Sara Duterte. Ngayon tila nagbago ang ihip ng hangin dahil nakialam ulit si Pangulong Duterte sa pamamagitan ng pag-endorso kay Cong. Alan Peter ­Cayetano at Cong. Velasco sa ilalim ng hatian sa termino.

Ang mga pangyayaring ito ay bunga na rin ng gulo na dala ng iba’t ibang panig. Tulad ng pagdedeklara ni Cong. Paolo Duterte ng kanyang pagtakbo at mabilisang pagbawi rito. Biglaan namang pumasok sa labanan si Cong. Isidro Ungab ng pangatlong distrito ng Davao City na napabalitaang suportado ni Cong. Duterte at ng HNP ni Mayor Sara Duterte.

Sa totoo lamang, hindi na ito isang maayos na labanan ngunit tila paligsahan sa isang sabu-ngan. Magulo, maingay at walang kasiguruhan. May ilan nga sa atin ang napapaisip na tila sadya ang mga pangyayari.

Ninais guluhin ng iba’t ibang panig ang sitwasyon upang pumasok si Pangulong Duterte at iendorso sina Cong. Ca-yetano at Cong. Velasco sa isang “term-sharing” na magbibigay ng 15 buwan kay Cayetano at 21 buwan naman kay Velasco.

Hindi man ­sinasadya ng HNP at ni Cong. Duterte na matulungan si Cong. Cayetano upang maging ispiker ay kabaliktaran ang nagyari at lalo pa nila siyang nailagay sa pwesto.

Tila hindi pa tapos ang mala-teleseryeng kwento sa ating kongreso. Sa aking opinyon, ang lahat ng pangyayari ay isang malaking istratehikong hakbang na pinag-aralan at isinagawa ng isang grupo at gayundin ang di sinasadyang hakbang ng HNP at ni Cong. Duterte.

Para sa akin, ang lumalabas na talo ay si Cong. Romualdez na sa simula ay siyang tunay na nangunguna sa mga boto ng nakararami sa kanyang mga kasamahan, sa tulong na rin ni dating Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Si Cong. Velasco naman ay ­masasabi nating hindi buo ang maaaring pagkapanalo sapagkat pwede sanang nakuha niya ang ­pagiging ispiker nang walang kahati sa termino.

Ang tingin kong panalo sa lahat ng ito: una, si Cong. Cayetano dahil ang totoo hindi nya makukuha ang boto ng karamihan sa Kongreso kung wala ang endorso ng Pangulo. Pangalawa, si Pangulong Duterte dahil lalabas na hawak pa rin niya ang Kongreso.  (RESPONDE ORA MISMO / KUYA JOE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment