SINING AT BANDALISMO

yourservice

NAGALIT kama­kailan lang ang alkalde ng Maynila nang matuklasang may mga bumaboy sa mga pader ng Lagusnilad. Napag-alaman na ang gumawa nito ay ang Panday Sining. Matapos ang insidenteng ito, inulit ang bandalismo at pinagpilitang

Ito’y bahagi raw — ayon sa mga gumawa nito — ng karapatang pantao o tinatawag nating freedom of speech — na nakasaad hindi lamang sa ating Saligang Batas kundi sa pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao. Sa panig nito may mga taong dumepensa at sumang-ayon. Ngunit —- nakita naman natin sa pamamagitan ng social media na nagalit at nainis ang karamihan.

Sa ngayon, patuloy na tinuturing na problema ng Lungsod ng Maynila ang bandalismo — at ayon na din sa alkaldeng ito — imbes na gamitin ang pondo para sa gamit ng paaralan ay tinutustos na lamang ito para panlinis at pagpintura ng mga apektadong pader, underpass at lugar na bina­boy ng mga ito.

Sa aking munting pa­lagay — mayroon tayong pamantayan kung ano ang sining at ano ang banda­lismo. Sa aking limitadong pagkakaalam — ang sining ay isang salita, pinta, pigura, gawa — na nagtataglay ng kagandahan at damdamin ng ating kultura bilang Filipino, bilang isang mamamayan at pinakamahalaga sa lahat — bilang isang nagmamahal sa kagandahan ng damdamin, ng kapaligiran at ng pagkatao. Kaya naman hinihirang maging mga obra ang mga manunula, mga pintor, mga mang-aawit, mananayaw — at sinomang kababayan natin, noon at ngayon, na ang gawa’y nagbibigay-buhay sa ating damdamin at hangarin bilang Filipino at higit sa lahat — bilang tao.

Sa aking munting palagay — ang bandalismo, kung gagawin nating pamantayan ang depi­nisyon ng salita — ay ang pagsira ng kagandahan ng isang lugar o bayan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita o pigura ng hindi angkop sa orihinal na interes nito.

Nananawagan pa rin ngayon ang alkalde ng lungsod ng Maynila — konting respeto naman daw ang ibigay sa ginagawang pagpapaganda at pagkukumpuni ng mga lugar sa Maynila na matagal na raw napabayaan. Sumang-ayon din ang karamihan ng mga tao sa social media at sinuportahan ang programang pagbabago.

Kung tutuusin — maganda naman ang hangarin ng lungsod ng Maynila at dapat lamang nating suportahan ito. Nabubuhayan na ang lungsod dulot ng mga pagkukumpuni at pagpapaganda ng iba’t ibang sulok ng Maynila. Sa isyu ng bandalismo — nakalulungkot isipin na inuuna pa ng mga pasimuno nito ang kanilang pangsariling interes imbes na magbigay ng kaunting konsideras­yon sa pamahalaang lokal at sa mga mamamayan ng Maynila. Ano nga ba ang isinusulong nila sa kanilang bandalismo? Ang mga salitang kanilang pini­pintura sa mga dingding at underpass ay matagal nang natunghayan natin. Kung tunay na pagbabago ang kanilang isinusulong — marapat na ilathala nila ang kanilang adhikain adbokasiya sa tamang pa­raan, sa tamang lugar at sa tamang panahon — upang ito’y makamit ang tunay na pagbabagong kanilang hinihingi. Pero kung mananatili sila sa banda­lismo — sa aking munting palagay — hindi ito mapapansin at lalong hindi mabibigyan ng kalunasan ang kanilang ipinaglalaban — sayang lang.

Kaya’t ating pagmunihan ang dalawa — sining at bandalismo — at kung idi­dikit natin ang ating adhikain — anomang adhikain — sa ilalim ng tinatawag nating freedom of speech o freedom of expression — gawin natin ng tama. Tandaan — your freedom ends where my nose begins. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment