SERYOSO ANG UNIVERSAL HEALTH CARE LAW

KAAA BOOM

PINIRMAHAN noong Pebrero 21, ng taong ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Health Care Law na talaga naman ang mahihirap nating kababayan ang siyang makikinabang.

Pero maraming kontra sa administrasyon ang ngaw-ngaw ng ngaw-ngaw na kesyo papogi lang daw ito ni Pangulong Duterte. Nagtatanong kung saan daw kukuha ng pondo, ito na raw ang umpisa na mangungutang ang Pilipinas sa bansang China at ito raw ang maglulubog sa bansa sa utang. Ganun?

Kaya naman ang aking katanungan sa mga bumabatikos at kumukwestyon sa nasabing batas ay ano ba talaga ang gusto ninyo? Hindi ba kayo masaya at lahat covered na ng Philhealth kasama na ang pinakamahihirap nating kababayan na masasaklaw ng insu­rance at Health Care Services.

Sa naturang batas, mabibigyan ng libreng accommodation sa mga pampublikong ospital, libreng check-up at basic laboratory test at health care ang mga pobre na­ting kababayan, lalo ang senior citizens at PWD’s na madalas pumipila sa mga opisina ng mga politiko para mamalimos ng pambili ng gamot at para may pambayad sa ospital.

Kaya naman panawagan ko sa aking mga kababayan na huwag tayong magpaudyok sa sulsol ng mga grupong ginagamit lamang kayo para kontrahin ang ginagawang magagandang batas ng pamahalaan katulad nitong Universal Health Care Law.

Tandaan po natin, hindi po tanga si Presidente Duterte na pipirmahan ang naturang batas na hindi alam kung saan kukunin ang pondo dahil natitiyak ko na bago pa man lagdaan ito ay pinag-aralan ito nang husto at nakita na kaya ngang ibigay ang ganitong serbisyo para sa mga Pilipino.

Ngayon ay isa ang planong pagtataas sa buwis ng sigarilyo sa mga napipisil na pagkunan ng pondo. Kasunod niyan ay pinag-aaralan na rin na taasan ng buwis ang alak. Kaya tiyak na magkakaroon ng pondo ang UHC Law.

Tigilan natin ang sobrang pamumulitika sa bansa at nararapat lamang ibigay ang dapat na tulong sa bawat pamil­yang Pilipino lalo na ang mga naghihikahos at nangangailangan ng basic services. (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment