SARI-SARI STORE MENTALITY

GO FOR GOLD final

SAKIT na nating mga Filipino ang tinatawag na sari-sari store mentality.

Ito yung … kung ano ang kumikitang negosyo sa komunidad, ganun din ang papasukin na negosyo ng mga kapitbahay.

Masdan ninyo, dahil malakas ang benta ng tindahan nila Ate Ofelia sa kanto, ganun na rin ang papasukin na negosyo ng mga kapitbahay niyang sila Aling Monang, atbp. O, hindi ba?

Sa kalye nyo na lang, ilan ang sari-sari store diyan na magkakatabi o magkahilera?

Di ba nila naisip na sa pagtatayo nila ng tindahan na magkakalapit ay pinapatay nila ang pagkakakitaan nilang lahat? Natural pag kakaunti ang mga customer at marami ang bibilhan nilang tindahan, hindi sapat ang kikitain ng bawat tindahan para kumita at lumago.

Pinoy na pinoy talaga. Parang isang uri rin ng crab mentality. Dahil, lahat damay. Lahat babagsak at malulugi.

Saan ba natin nakuha ang ganyang masamang pag-uugali?

Naalala nyo ba nung mauso ang lechon manok dahil sa Andoks? Marami rin ang nagtayo ng lechon manok sa kani-kanilang neighborhood. Eh, di sandali lang at marami rin ang nagsara.

Ganyan din ang nangyari sa shawarma. Di po ba?

Ngayon malinaw na sa inyo ang pattern. Iwasan po natin ang ganitong masamang ugali dahil lahat tayo apektado. Lahat tayo talo.

Kaya ang payo ko sa mga nais magtayo ng negosyo, wag po natin gayahin ang kung ano ang uso at kumikita na negosyo sa kasalukuyan. Matutulad lang tayo sa karamihan sa mga kababayan natin na napariwara at nalustay ang pinag-ipunang pera.

Hindi po dahil kumita si kumare o ang kapitbahay natin sa ganitong negosyo ay kikita rin tayo.

Sabi nga ni dating MMDA chairman Bayani “BF” Fernando, napakaliit ng success rate ng mga pumapasok sa negos­yo. Halos 95% daw ang failure rate. Kaya nga ang payo niya sa mga residente ng Marikina nuon ay mamasukan na lang kayo at maging empleyado.

Ito naman ay opposite ng GO NEGOSYO! advocacy na marami namang natulungan na umangat sa buhay mula sa ating mga OFW, reti­rees, etc.

Sana makatulong itong tips para tumaas ang tsansa ninyo na ma­ging successful sa negosyo:

  1. Alamin kung anong produkto o serbisyo ang mataas ang demand ngunit kakaunti naman ang nagsusupply sa lugar o trade area na inyong balak pagtayuan ng negosyo.
  2. Sapat ba ang dami ng potential customers sa inyong lugar?
  3. Mas mabuti kung ang pasukin ninyong negosyo ay malapit sa inyong puso. Yung tila ba enjoy kayong gawin ito kahit hindi kayo bayaran. Ganun din kung maga­ling kayo sa linyang ito at natural lang ito sa inyo. Marami sa mga nalugi ay dahil pinasok nila ang isang negosyo na wala silang kaalam-alam at walang ka-interes-interes.
  4. Napaka-importante ng lokasyon sa negosyo. Dapat strategic at sentro sa maraming tao at very accessible, madaling puntahan.
  5. Gawan nyo ng pa­raan para ipaalam sa mga potential customers ninyo na meron kayong ganung produkto o serbisyo. Importante ito. Dahil kahit na gaano kaganda ang iyong produkto o serbisyo, kung walang may alam or hindi ito alam ng tao … bale wala rin.
  6. Gawin ninyong mas madali para sa customer na magdesisyon na bumili o tumangkilik sa inyo. At gawin nyo ring mas madali para madeliver nyo ito sa kanila.
  7. Pumili ng mga tapat at maabilidad na empleyado at tratuhin sila ng mabuti para pagmalasakitan nila ang inyong negosyo o kumpanya.

Ilan lamang ito sa mga payong pang negosyo. Sana nakatulong ito kahit paano.  (GO FOR GOLD / PAUL SISON)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment