SANA HINDI ‘NINGAS-KUGON’

PANALO KA

SA ngayon, kahanga-hanga ang simulain ni Manila Mayor Isko Moreno. Kaliwa’t kanan na ang papuri at maski na ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay binigyan na siya agad ng komendasyon.

Sa kalagayan ng politika sa ating bansa, kadalasan ang tinatawag na “political will” ay nabubura kapag nakaupo ka na at sa “1-to-sawa” na nakatuon ang iyong career bilang politiko. Ang pagkagahaman sa ganitong kapangyarihan ay dahil sa umaapaw na daloy ng pera.

Sabi nga ni Isko, P5 milyon kada araw ang alok sa kanya na payola, panatilihin lamang ang anarkiya sa mga lansa­ngan ng Maynila lalo na ang mga illegal vendor. Tumataginting na humi­git-kumulang P155M ang payola kada buwan!

Patok ang usapin, tamang-tama sa panlasa ng media lalo na ang target na masa. Asahan natin na marami pa ang kasunod na pasabog ni Isko. Huwag na kayong magtaka sa mga ganitong pasabog ni Isko dahil chief of staff niya ngayon si Cesar Chavez, nagbitiw na station manager ng DZRH ng Manila Broadcasting Company (MBC). The right man for the right job kung gusto mong magpakilala nang bongga.

Sa ngayon, pinabuka talaga ni Isko ang mga nagsisikip pero maluluwag na lagusan ng Maynila. Sana manati­ling nakabukaka ang lahat ng mga ito hanggang sa humirit siya muli ng pangalawang termino sa darating na 2022.

Ningas-kugon ang lahat ng ito kung hanggang simula lamang at mauulit sa mga unang buwan ng kanyang panunungkulan sa 2022, kung bibigyan siya uli ng pagkakataon ng mga Manilen­yo.

oOo

Sa mga RESPONSIBLE GUN OWNERS lalo na ang mga mahilig sa Practical Shooting, i-LIKE at i-FOLLOW niyo na ito: https://www.facebook.com/ValDeLeon89. Ito ang personal blog sa Facebook ni Firearms and Explosives Office (FEO) chief Police Brigadier General Val T. De Leon.

Very informative at educational ang page na ito lalo na sa mga usapin ng baril gaya ng paano mag-apply ng License To Own and Possess Firearm (LTOPF), gun registration/license, permit to carry from outside residence (PTCFOR), at iba pa.

oOo

Aking napag-alaman na sa panahon ng sikat na Filipino shooter na si Jethro “The Jet” Dionisio bilang presidente ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD), napakaganda ang tinatakbo ng asosayon.

Sa ngayon, iba na ang liderato ng asosasyon.

Ang multi-bilyong gun industry sa ating bansa ay isang sektor ng ating lipunan na tahimik lamang. Pero kadalasan, ang hindi alam ng mga mamamayan ay malaki ang porsiyento sa araw-araw na krimeng nagaganap ay may kaugnayan sa baril.

Dapat magkaisa ang AFAD na ito at iba pa para tulungan ang FEO para sa tamang information and dissemination hinggil sa kahalagahan ng tamang paggamit ng baril laban sa krimen gaya ng “loose firearms”, hindi ang kita para sa sariling bulsa lamang ang iniisip.  (PANALO KA! / FLORANTE SOLMERIN)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment