SABLAY ANG COAST GUARD, IMMIGRATION AT QUARANTINE SA MANGINGISDANG VIETNAMESE

ITO ANG TOTOO

PINAGPIYESTAHAN ng mga galit sa Subic Bay Metropolitan Authori­ty (SBMA) ang pagda­ting ng mga Vietna­mese na mangingisda na pumasok sa Subic Bay para umiwas sa sama ng panahon sa West Philippines Sea.

Ito Ang Totoo: may mga S.O.P o Standard Ope­rating Procedures na dapat ipinatutupad, ano man ang sitwasyon, liban na lang kung may legal na utos ang nakatataas na otoridad para pansamantalang baguhin ito.

Halimbawa ang ginawa ng Seaport Department ng Subic Bay Metropolitan Authority na pag-abiso sa Philippine Coast Guard na kung pipi­liin ng mga Vietnamese manatili sa loob ng Subic Bay kahit tapos na ang sama ng panahon, mapapatawan sila ng kaukulang regular na “wharfage fees.”

Trabaho ng Seaport iyon. Sabi nga ni SBMA Deputy Administrator Ramon O. Agregado “procedural.”

Ito Ang Totoo: dahil ang pagdating ng mga Vietnamese fishing vessels ay para makaiwas sa kapahamakan dala ng sama ng panahon, pwede namang isantabi ang  “wharfage fees” o bayarin sa paggamit ng espasyo sa loob ng bay.

Iyon na nga ang ginawa ng SBMA, sa endorso ni Chair & Admi­nistrator Wilma T. Eisma. Hindi pinagbayad ang tatlong fishing vessels na hindi kaagad nakaalis dahil umano sa kulang ang krudo at wala pang pambili.

Siyam (9) lahat ang Vietnamese vessels, lima (5) ang umangkla malapit sa Pure Petroleum fuel depot, isa (1) sa may Grande Island, at tatlo (3) ay hindi pumasok sa loob ng Subic Bay.

Ito Ang Totoo: bagamat hindi naman siningil ang mga Vietnamese, may mga bumatikos pa rin sa pamunuan ng SBMA dahil daw “walang puso”.

Isa sa bumatikos ang prente ng mga dayuhang may-ari ng Ocean Adventure na tinigbak ng SBMA ang kontrata dahil sa mga paglabag sa probisyon at patakaran, bukod pa sa utang.

Ang hirap, sakayan naman ang ilang “netizens” at may mga media entities na nagamit, kung hindi nagpagamit.

Ito Ang Totoo: dapat ginawa rin ng Philippine Coast Guard, Bureau of Immigration, Bureau of Quarantine  ang trabaho nila kahit pa nakisukob lang para sa kaligtasan ang mga Vietnamese fisher­men.

Oct. 31 pa pala sumulat sa Coast Guard ang Vietnamese Embassy sa Manila tungkol sa posibilidad ng pagdating ng mga Vietna­mese vessels pero hindi man lang inabisuhan ang SBMA hanggang magulat ito noong araw na mismong nagdatingan na.

Hindi rin nakita ni anino ng Immigration at Quarantine. Paano kung merong criminal na nakihalo? O mga maysakit na nakakahawa?

Ito Ang Totoo: dapat imbestigahan at pag-aralan ang nangyari, kapulutan ng aral at parusahan ang mga sablay sa trabaho o hindi nagtrabaho sa panahong kailangan sila. Sayang naman ang sini-suweldo nila mula sa kaban ng bayan. Ito Ang Totoo! (ITO ANG TOTOO / VIC VIZCOCHO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment