SAAN NAPUNTA ANG P19.5-M PROYEKTO NG FTI NA IBINIGAY SA JEFF ENTERPRISES?

BAKBAKAN NATIN

NAPAKAHALAGA ng tanong na ito na dapat sagutin ng mga may-ari o namamahala ng Jeff Enterprises upang malinawan kung ano ang eksaktong nangyari sa P19,533,453.54 pondong inilaan ng Department of Agriculture (DA) sa proyekto ng Food Terminal Inc. (FTI) sa lungsod ng Taguig at maging ng mga opisyal ng FTI.

Napakahalaga ng isyung ito, sapagkat ang pinag-uusapan natin dito ay hindi isandaang piso kundi mahigit labingsiyam na milyong pisong pera ng pamahalaan na tiyak akong galing sa buwis na ibinayad ng mga negosyante at pangkaraniwang mamamayang Filipino sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Nitong Oktubre 4, isiniwalat ko rito sa Bakbakan Natin! na iniwang nakatiwangwang ng Jeff Enterprises ang P19.5 milyong proyekto ng FTI na pagsasaayos ng gilid ng Langka at Cucumber Roads sa FTI Complex sa Taguig.

Kasama sa proyekto ang paglalagay ng imburnal at syempre maging ang pagpapasemento ng bangketa ng nasabing mga kalsada.

Sinabi ko rin noong Oktubre 4 na sinimulan ng construction workers ng Jeff Enterprises ang implementasyon ng proyekto ilang araw bago maganap ang eleksyon noong Mayo.

Nabanggit ko rin na ilang araw matapos ang halalan, iniwan na ng Jeff Enterprises ang P19.5 milyong halaga ng proyekto.

Dahil sa pag-iwan sa proyekto, ang mga binungkal na kalsada ay naimbakan ng mga basura at tubig tuwing umuulan.

Ipinarating ko sa DA, sa pamamagitan ni DA Communication Office na si Noel Reyes, noong Oktubre 4 ang pag-abandona sa proyekto.

Kinabukasan, ipinarating ni Reyes sa akin na ipararating ng DA sa FTI ang aking isiniwalat.

Mahalagang masagot ang kinahinatnan ng P19,533,453.54, sapagkat ito ang magpapaliwanag kung bakit iniwan ng Jeff Enterprises ang proyekto ng FTI.

Oktubre na ngayon, kaya mahigit apat na buwan nang iniwanang nakatiwangwang ang proyekto.

Palagay ko naman nanalo ang Jeff Enterprises sa bidding kaya nakuha nito ang naturang proyekto.

Kung hindi, may anomalya kung paano nakuha ng Jeff Enterprises ang P19.5 milyong proyekto.

Ngunit, napakapagtataka talaga kung bakit biglang iniwan ang proyekto.

Hindi pa ba nagbibigay ng pera kahit paunang bayad ang FTI sa Jeff Enterprises upang lumarga ang proyekto?

Mayroong tarpaulin ang nasabing proyekto kung saan nakalagay ang pangalan ng FTI, ang pangalan ng Jeff Enterprises, ang titulo ng proyekto, at syempre ang multi milyong halaga ng proyekto.

Dapat, binabantayan ng mga opisyal ng FTI ang proyekto upang malaman nila ang inaabot nito.

At kung binabantayan ng mga opisyal ng FTI ay pihadong hindi nila hahayaan ang Jeff Enterprises na iwanang nakatiwangwang ang nabanggit na multimilyong halaga ng proyekto.

Gusto ko sanang kunin ang pahayag ng Jeff Enterprises, kaso, ang tanggapan pala nito ay sa Apolinario dela Cruz Street sa lungsod ng Tayabas sa lalawigan ng Quezon.

Dapat makarating ito sa Senate Committee on Agriculture upang habang binubusisi, sinisiyasat at pinag-aaralan nang husto ang hinihinging badyet ng DA para sa 2020 ay matanong ng mga senador ang mga opisyal ng DA at FTI kung bakit biglang iniwan ng Jeff Enterprises ang P19,533,453.54 halaga ng proyekto ng FTI sa Taguig.

Naniniwala akong kailangang mangyari ito upang hindi masayang ang pera ng pamahalaan, upang hindi maulit ang ginawa ng Jeff Enterprises, upang hindi magpabaya ang mga opisyal ng FTI sa susunod na mga proyekto nito, upang managot kung sinu-sino ang mayroong mga kasalanan sa naganap na krimeng pag-iwan sa multimilyong proyekto ng FTI. (BAKBAKAN NATIN /  NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment