SA MARIKINA, LAHAT PANTAY-PANTAY!

GO FOR GOLD

MALAKING kaginhawaan para sa mga Marikenyo ang ordinansa na pinabubukas ang LAHAT ng gates sa mga subdibisyon at kalye ng Marikina.

Lalo na siguro sa pagbubukas ng 24/7 ng mga gates ng Loyola Grand Villas at Katipunan Extension na nagdudugtong ng Marikina sa Balara, Quezon City!

Hindi lang taga-District 2 ang makikinabang diyan dahil hindi lang naman mga taga Parang, Fortune, Marikina Heights, Concepcion Dos, Concepcion Uno, atbp. ang dumadaan diyan.

Pati mga taga-District 1 ay nakikinabang diyan. Lalo na ngayon na ubod ng traffic ang Bonifacio, Barangka palabas sa Aurora Blvd.

Pati nga hindi taga Marikina, tulad ng San Mateo at Montalban, ay makikinabang diyan dahil may alternate route na silang magagamit papasok at pauwi.

So, marami talaga ang natuwa at nag-aabang sa mga darating na araw sa desisyong ito ng pamunuan ng Marikina. Kung dati ay sarado ang crucial at kritikal na access road na ito ng LGV mula 9pm-hanggang 5:30 am, ngayon ay parati na itong bukas, 24/7 ika nga!

Yan ang political will! Kakaiba talaga sa Marikina!

Marami ang humanga at nagpasalamat dahil pati ang Monte Vista, Cinco Hermanos, at iba pang villages ay bubuksan at madaraanan na ngayon. Bukas na lahat! Wala ng harang!

Salamat talaga sa Ordinansa No. 068, Series of 2019. Lahat yata ng konsehal pumirma rito. Kaya, maraming salamat din sa inyo mga Konsi.

Inaasahan na luluwag ang daloy ng trapiko sa Marikina gawa ng stroke of genius na ito. Lalo pa nga at ilang buwan pa ang kalbaryo ng mga motorista dahil sa kinukumpuning tulay sa Marcos Highway.

Pati kaming mga residente sa Twinville, Fairlane, Greenheights, St. Benedict, atbp. ay apektado ng pagbubukas ng mga gates na ito. Pero, suporta kami sa city government at kay Mayor Marcy Teodoro at kay Vice Mayor Marion Andres dahil patas ang pagpapatupad nila ng batas. Ika nga ng GMA 7, “Walang kinikilingan, walang pinoprotektahan!”

Kung dati ay may palakasan at may mga “anak ng Diyos” na hindi applicable ang batas… sa bagong Marikina, asahan ninyo na pantay-pantay ang lahat!

Basta para sa greater good, marami ang willing magsakri­pisyo. Lalo na mga Marikenyo na aral sa disiplina at urbanidad kay dating Mayor Bayani “BF” Fernando. Kay sarap magsakripisyo dahil LAHAT ay nagsasakripisyo.

Sana lamang ay hindi ito gamitin sa politika dahil buhay naming mga residente ang nakataya rito.

Natural, nakiusap din kami kay Mayor Marcy kung pwedeng huwag nang buksan ang side streets ng Twinville dahil out of the way ito at bihira naman daanan. At saka, bukas naman ang Rosas at Ilang-Ilang Streets bilang alternate route sa JP Rizal papuntang Farmers Road. Pero, handa kami magsakripisyo kung walang exceptions.

Nangako naman daw ang pamunuan na sila ang magi­ging responsable sa inaasahan na pagtaas ng krimen sa mga lugar na kakaiba ang sitwasyon tulad ng Concepcion, Nangka, IVC, atbp.

Suportahan po natin ang patas na pagpapatupad ng Ordinansa 68! (GO FOR GOLD / PAUL SISON)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment