ROTC, RANGER MATEO, RESERVIST ROBIN

PANALO KA

HINDI ako pabor sa panunumbalik ng Reserve Officer Training Corps (ROTC).

Pero pabor ako sa pagpasok sa training ni showbiz actor Mateo Guidicelli sa Scout Ran­ger ng Philippine Army at ang napapabalitang pagpasok bilang reservist din sa Army ni “Bad Boy” Robin Padilla.

May tinatawag na CAT (Citizenship Advancement Training) noong nasa sekondarya ako. Noon pa man ay may paboritismo o “bata-bata system” na sa pagpili ng mga magiging opisyal dahil kahit mas angat ka sa academics at pisikal na katangian kung wala kang kapit sa mga humahawak ng CAT ay malas mo talaga. Naging first platoon leader ako sa CAT at yung may mga average na 75% hanggang 80% sa academics ay na­ging company at battalion commanders, adjutant at iba pa. Pati sa unipormeng fatigue ay ang may hawak na sundalo sa CAT na rin ang supplier. O, di ba? Dito pa lang may anomalya na! Pero di ko alam ‘yan noon.

Kalakasan noon ng New People’s Army (NPA) sa Cagayan. Tinambangan nga nila ang supply convoy ng Army sa may Kinali, Sta. Teresita at isa lamang daw ang nakaligtas na sundalo. Nakita ko mismo ang mga naka-brip na lamang na mga bangkay ng mga sundalong nakahilera sa tabi ng kalsada pagdaan ng aming sasakyan pagpasok sa eskwela.

Pero masaya ang CAT noong panahon namin sa St. Francis Academy sa Sta. Tere­sita, Cagayan. Sa CAT, natutunan ko ang tamang “kaliwa, kanan”, “harap sa kanan, harap sa kaliwa”, “talupad”, “tikas pahinga”; pagsaludo nang tama; paggamit sa espada at kahoy na riple nang tama sa drill; pagsunod sa utos ng opisyal; at higit sa lahat, disiplina.

Pero ni minsan ay walang nag-indoktrina na sundalo sa aming CAT para ipaliwanag kung ano ang patriotismo at maski na kung ano ang ibig sabihin ng digmaang isinusulong ng NPA.

Noong kolehiyo naman ako sa seminaryo, hindi ako pinaakyat sa entablado ng isang pari noong graduation day namin nang itsinuchu ng ilang sipsip kong ka­klase na binayaran ko ang last semester ng ROTC ko dahil puwede naman palang bayaran para di na pumasok pa kada Sabado. Sa ROTC, sangkatutak na kontribusyon ang sinisi­ngil sa amin. Para raw kay Sir.

Kaya ayokong ibalik ang ROTC kung sa bandang huli ay gagawing raket lamang ito ng mga tiwali sa serbisyo. Kaya sa ating Armed Forces of the Philippines (AFP), dapat natuto na po tayo sa nakaraan na nabahiran pa ng ilang madugong insidente laban sa mga biktimang kadete.

Ergo, para sa akin, mapakikinabangan ang ROTC kung gagamitin ito sa tamang oryentasyon at pakinabang ng bawat estudyante para mapanday sila sa tamang disiplina at pagtatanggol ng kasarinlan ng ating bansa.

oOo

Ayokong isipin na “PR stunt” lamang ng AFP ang pagpasok ni Guidicelli sa Scout Ranger course. Maski na ang pag-iingay ni Padilla na papasok siyang reservist sa Army. Trending nga sa social media si Guidicelli na ngayon ay sumasabak na sa pagka-musang.

Tingin ko, kayang-kaya ni Guidicelli ang pisikal na dala ng training dahil triathlon athlete naman siya. Ang inaabangan ko lang ay magagawa kaya ni Guidicelli sa mga susunod na panahon na maging mouthpiece ng AFP laban sa mga rebelde? Gaya na lamang ang pagkondena sa Communist Party of the Phi­lippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Aba, kung magagawa ito ni Guidicelli ay magandang “propaganda machine” siya ng AFP.

Ang isa pa na aking ina­abangan ay ang aktwal na pagsabak ni Guidicelli sa mission. Ipadadala kaya siya sa Sulu o Basilan laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) o sa NPA-infested area?

Paano naman si Robin? Marami na siyang nagawang pelikula hinggil sa buhay ng sundalo at maski na pulis. Hayaan na natin siyang ma­ging reservist.  (PANALO KA! / FLORANTE SOLMERIN)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment