REY, RADING, HESER AT LARRY

GO FOR GOLD final

HINDI biro ang mahiwalay sa pamilya. Lalo na sa panahon na may problema ka.

Ngunit ganyan ang dinaranas araw-araw ng higit 2 milyong Pilipino na kung tawagin natin ay OFW o Overseas Filipino Workers.

Masuwerte tayo rito sa Pilipinas kasi andito ang ating mga mahal sa buhay kapag tayo ay may problema at nangangailangan ng lakas, motivation, o paggagabay. Ika nga, may support mechanism tayong matatakbuhan kapag may pinagdaraanan.

‘Yang 2.3 million na yan ay bilang ng documented OFWs nung 2018. So, alam natin na mas malaki pa ang bilang na ‘yan dahil marami pa ang TNT o tago nang tago.

Mahigit kalahati o 53.7% ay babae, at 46.3% lang ang lalaki.

37.6% ay domestic helpers at cleaners sa mga hotel at opisina. 18% ang service at sales. 13.7% ay nagtatrabaho sa mga planta bilang machine operators o assemblers. 11.4% ay craft at related trade workers. 8.7% ay working professionals. 5.8% technicians atbp. 3.4% clerical support. 1.1% ang managerial positions. At 0.4% lang ang sa skilled agricultural, forestry and fishery workers.

57.1% ang nasa Middle East. 18.1% ang nasa East Asia: Hongkong, Japan, Taiwan, China, South Korea. 9.5% ang nasa Southeast Asia. 6.4% sa Europe. 5.4% sa North and South America. 1.6% Australia. At 1.1% sa Africa.

Ang mga datos na yan ay kinalap ng Businessworld researchers na sina Joechebed Gonzales at Lourdes Pilar. Ang source nila ay ang Philippine Statistics Authority.

Naaalala nyo pa ba ang pelikulang “Anak” nina Vilma Santos at Claudine Barreto nung taong 2000? Dun mo makikita ang masamang epekto ng social dislocation. At ‘yan ay dinaranas ng halos lahat ng mga kapwa nating Pilipino na nagtatrabaho abroad.

Taas ang kamay ng mga naghiwalay ang mag-asawa o magulang dahil sa ang isa ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Ilan sa inyo ang nagrebelde at di nagtapos sa pag-aaral? Ilan ang nagwaldas ng remittance na pinadadala ng asawa at nakikiapid sa kumare o kumpare? Meron pa nga riyan na sa ibang babae nagpapadala ng mga balikbayan box na panay imported, pero sa tunay na asawa … wala ni isang kusing.

Matinding sakripisyo po talaga ang mawalay sa pamilya. Biro mo, hindi ka na kilala ng anak mo pagbalik mo dahil wala ka nung formative years niya?!

Ang oras na hindi mo kasama ang mga mahal mo sa buhay ay hindi mo na maibabalik. Bayaran ka man ng limpak-limpak, di mo pa rin mababawi ang mga panahon na wala ka sa pamilya mo.

Saludo ako sa inyong mga nagtatrabaho sa ibang bansa para lamang itaguyod ang inyong pamilya!

Kaya kapag umuuwi rito sa Pilipinas mula sa Yiwu, China ang aming mga Qua­lity Control Inspectors na sina RADING VALDERRAMA, REY FEBRER, HESER BERNARDO, at LARRY MACATIAG … binibigyan ko talaga sila ng oras at importansiya. Dahil ibang lebel ng malasakit ang iwanan ang pamilya para magtrabaho abroad.

Sana, ganoon din ang isukli ninyo sa mga mahal n’yo sa buhay na mga OFW. Iparamdam n’yo sana sa kanila na naa-appreciate ninyo ang kanilang sakripisyo para sa inyong pamilya.  (GO FOR GOLD / PAUL SISON)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment