RESTO NA EXCLUSIVE SA CHINESE?

TINIG NG MANGGAGAWA final

PABOR ako sa panawagan kamakailan ni Senador Panfilo Lacson na ipasara ang mga negosyo partikular ang mga restaurant na nagbabawal o hindi welcome ang mga Pinoy.

Isipin n’yo na lang, narito sila sa Pilipinas tapos para silang may sariling mundo at ang pagbabawalan e tayo pa mismo na tagarito?

Maling-mali talaga yan.

Hindi lang ang pagkakait na makakain tayo sa kanilang restaurant ang nais kong ipasilip sa mga ganyang uri ng establisimyento kundi maging ang usapin sa pagkuha nila ng manggagawa.

Hindi na naman bago sa atin na may mga reklamo nang nauna na prayoridad ng mga Chinese sa kanilang negosyo ay mga kalahi nila.

Hindi ba’t isa yan sa mga batikos sa programang Build, Build, Build ng administrasyong Duterte?

Na ang mga proyektong popondohan gamit ang inutang sa Chinese e mga Chinese din ang makikinabang dahil prayoridad ang kanilang mga manggagawa sa mabibigyan ng trabaho?

Ang sabi, iimbestigahan ni Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III ang reklamong yan laban sa mga Chinese resto lalo na diyan sa parteng Parañaque at Pasay kung saan nag-uusbungang tila kabute ang mga establisimyentong ang pangalan ay nakasulat sa Chinese characters at ni walang Pinoy translation.

Ano na ba ang nangyari? Nag-imbestiga ba talaga ang DOLE o nag-press release lang? Natatanong natin ito dahil wala na tayong balita muli hinggil dito.

Wala na rin tayong narinig mula sa tanggapan ni Bello kung may resulta na ang sinasabi nilang imbestigasyon.

Bukod sa DOLE, dapat ding kumilos sa bagay na ito ang Department of Trade and Industry at iba pang ahensya ng gobyerno para mapigilan ang mga negosyante mula sa China sa pagpasok sa small and medium enterprise.

Sa ginagawa kasi nilang ito ay inaagawan nila ng pagkakataon ang mga Pilipino. Dapat na maging prioridad sa mga SME o Small and Medium Enterprise ay ang mga Pilipino at hindi ang mga Tsino na mayroong milyong pisong puhunan.

Bukod sa mga restaurant ay mayroon na rin daw convenience store sa Makati at Pasay na puro produkto ng China ang binebenta at walang produktong Pinoy.

Isa pang malaking tanong ay kung bakit hinahayang isama sa SMEs ang mga negosyanteng Tsinoy at kumpitensyahin ang maliliit na nagnenegosyong Pinoy.

Bantayan natin kung ano ang kahihinatnan ng imbestigasyon na iyan dahil dehado tayong mga Pilipino. Alamin ang mga paglabag sa batas ng mga dayuhan na naghahari-harian ngayon sa ating bayan, parusahan sila at palayasin. Hindi dapat inaapakan ang karapatan nating mga Pilipino sa mismong bayan natin.

-0o0-

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Ilihan lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment