REPRODUCTIVE RIGHTS PALAKASIN, PANGANGANAK SA BAHAY PAGTIBAYIN

f

DAHIL ang buwan ng Marso ay idineklarang Women’s Month at ang March 8 (kahapon) ay kinikilalang International Women’s Day, isang magandang balita ang nais na iparating ng inyong lingkod sa mga kababaihan lalong lalo na ang mga magiging nanay o sa mga babaeng buntis.

Isinusulong po ng inyong congressman mula sa 2nd District ng Rizal ang Reproductive Rights para sa mga kababaihang nagdadalang-tao na isilang ang kanilang anak sa lugar kung saan nila nais at kung saan sila kumportable.

Kamakailan ay inihain natin sa mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill 6477 na tinawag natin na Expanded Reproductive Rights for women na nagpapawalang bisa sa anumang ordinansa ng Local Government Unit (LGU) na nagpapataw ng parusa sa mga kababaihan sa pangnganak sa kanilang mga tahanan.

Bago po natin binalangkas ang nasabing House Bill, nagpaalam ang inyong lingkod sa ilan sa mga LGU’s na mayroong mga ordinansa  na nagbabawal na manganak sa kanilang bahay ang mga kababaihan na tinawag na ‘No Home Birthing’ at mayroong katapat itong parusa na pagkakulong o multa.

Ito ang dahilan kung bakit naisipan po ng inyong mambabatas na isulong ang HB 6477.

Nakasaad po sa section 5 ng nasabing panukala batas, i­naatasan ang Department of Health (DOH) na magbigay ng safety guidelines para sa home birth, kabilang na ang LGBT Home birth, pagbibigay ng training, skills at qualification for health care professional para malaman ng mga kababaihan kung kwalipikado silang manganak sa bahay at kung sino at pwedeng ­tumulong sa kanilang panganganak.

Bagaman, isa po tayong lalaki, batid po natin ang karapatan ng ating mga kababaihan na makapamili kung saan nila gustong manganak at kung gusto nilang manganak sa bahay ay mayroong sila mga safety guidelines na kailangan nilang sundin kailangan lang ay may aalalay sa kanila mula sa health care centers.

Isang halimbawa po na maayos ang home birthing ay ang kaugalian ng mga katutubong ‘Mangyan’ na nanganganak ang mga kababaihan sa squat position at labag naman sa tulad nilang indigenous people (IPs) ang manganak sa mga health care facilities o ospital.

Sa kaalaman po ng marami, ng lahat, napapaloob sa  panukalang batas na ang Department of Health (DOH) kabilang na ang Department of Public Works and Highways na maglagay ng ‘birthing Facilities’  o ‘maternal building’  lalo na sa mga rural areas kung saan mas mapapakinabangan ang mga ito.

Dalangin ng inyong lingkod na maisaayos kaagad sa Kongreso ang panukalang batas na ito upang mapakinabangan na ng mga kababaihang magsisilang at ngayon pa lang ay makatulong na sa taumbayan at sambayanan. REP. FIDEL NOGRALES

Related posts

Leave a Comment