RALI VS CPP-NPA-NDF

BOMBAHAN NA FINAL

KAKAIBA ang nangyari ngayong taon sa nakaraang mga taon ng anibersaryo ng Communist Party  of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF).

Nitong nakaraang Huwebes (Dec. 26) ay nagkaroon ng nationwide protest ang iba’t ibang grupo laban sa CPP- NPA-NDF.

Ang ipinoprotesta ng iba’t ibang grupo ay hindi magandang karanasan ng kanilang mga anak, kapatid at kamag-anak  sa kamay ng CPP-NPA-NDF.

Sabi nga ng mga magulang na nakausap ng silipero ng ‘BOMBAHAN NA’, ang kanilang mga anak na nadoktrinahan ng CPP-NPA-NDF habang nag-aaral sa universities at colleges sa iba’t ibang lugar, ay nagiging matigas ang ulo.

Bukod sa hindi na sumusunod sa kanilang mga magulang ang mga estudyante na nadoktrinahan ng CPP-NPA-NDF, ay nasisira na rin ang kanilang mga pag-aaral.

Nawawalan na rin ng pagmamahal ang mga ito sa kanilang mga magulang, kapatid at kamag-anak.

Sabi pa ng mga magulang, malaki ang ipinagbago ng ugali ng kanilang mga anak sa makaraang madoktrinahan ng  CPP-NPA-NDF.

Iba na rin ang kanilang pananalita, laging bukang-bibig nila ang paglaban sa gobyerno at sa mga awtoridad.

“Sir, sawa na po ang taumbayan sa mga pananalita ng CPP-NPA-NDF dahil wala naman silang napala sa grupong rebelde/terorista,” sabi pa ng silipero ng ‘BOMBAHAN NA’.

Natatandaan pa natin noong ng nakaraang mga taon, ang CPP-NPA-NDF pa ang nagsasagawa ng mga rali tuwing anibersaryo (Dec. 26) nila, pero ngayon taumbayan na mismo ang gumagawa nito laban sa kanila.

“Iisa lang po ang ibig sabihan niyan sir, unti-unti nang nawawala ang tiwala sa kanila (CPP-NPA-NDF)”, ayon pa sa isang silipero ng ‘BOMBAHAN NA’.

“Tuwing nalalapit po ang kanilang anibersaryo taon-taon ay ambush dito, ambush doon ang nangyayari, na kadalasang may nadadamay na mga sibil­yan, tama po ba yun?,” pagtatanong ng isang sumama sa rali.

Partikular na tinukoy ay ang naganap na ambush kamakailan sa Brgy. Libuton, Borongan City, Eastern Samar na ikinamatay ng isang pulis at ilang sibilyan.

Hindi matanggap ng mga taga-Eastern Samar ang ginawa sa kanilang mga kamag-anak na sibilyan na nadamay sa nasabing ambush.

Kaya nagbanta ang Estehanon na gaganti sila sa mga rebelde sa nasabing pang-ambush.

Sabi pa ng mga residente sa kanayunan, perwisyo sa kanilang kabuhayan ang CPP-NPA-NDF dahil hindi sila magkapagtanim nang maayos sa kanilang mga sakahan, dahil kung anong hingiin ng mga ito  at kapag hindi naibigay ay nagtatanim ng galit sa mga magsasaka na humahantong pa sa kamatayan.

“Hikayos nga po kami sa aming pagsasaka ay hinihingian pa kami ng mga rebelde at ‘pag hindi kami nagbigay ay papatayin nila kami,” banggit ng magsasaka. Sa ganang akin po, kung ano po ang tama ay ‘yun po ang sundin nyo.

Maligaya at ligtas na pagsalubong ng Bagong Taon!

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa ‘BOMBAHAN NA’ mag-email sa joel2amongo@yahoo.com//operarioj45@gmail.com. (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Related posts

Leave a Comment