“PULIS MAGITING PROGRAM” MAGBIBIGAY INSPIRASYON SA MGA TAUHAN NG PNP

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

HINDI tumitigil sina PNP Chief Director General Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Guillermo Eleazar sa pagsasagawa ng mga programa at cleansing sa hanay ng kapulisan upang tuluyan nang manumbalik ang tiwala ng taumbayan.

Marami na ang nakasuhan, nakulong at natanggal sa serbisyo na mga pulis dahil sa hindi pagkunsinte nina Albayalde at Eleazar sa mga pulis na gumagawa ng pang-aabuso at paglabag sa batas pero hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa na malilinis nang tuluyan ang kanilang hanay.

Panibago na namang programa ang inilunsad nina Albayalde at Eleazar katulad na lamang ng ­“Pulis Magiting Program” na naglalayong mabigyan ng pagkilala at inspirasyon ang mga pulis na gumawa nang mabuti sa ­kapwa at para lalo pa nilang pagbutihin ang kanilang serbisyo sa taumbayan.

Isang halimbawa si Corporal Claro Fornis ng Police Community Precinct 1, ng Makati City Police Station na nag-viral sa social media. Siya ­tumayong guardian ni ­Angela Perez, na nakakulong ang mga magulang dahil sa kasong illegal drugs.

Sa kabila naman ng cleansing sa PNP, dalawa na namang pulis at isang asset ng mga ito ang inaresto ng kanilang kapwa pulis makaraang ireklamo ng isang Robert Tamondong, 28 anyos, nakatira sa Tambakan 2, Eusebio Avenue, Barangay San Miguel, Pasig City.

Ayon sa reklamo ng biktima, nilapitan siya ng mga suspek na sina P/Cpl. Roy Duman-ag, 27, P/Pat. Arsenio Velardo, 29, kapwa nakatalaga sa PCP 5 Drug Enforcement Unit at ang police asset na si Francisco at sinabi ng mga ito sa biktima na huwag kang tumakbo dahil isa kang drug addict. Kasunod nito ay kinapkapan ang biktima at kinuha ang kanyang P850 cash at isang silver wedding ring na naging dahilan upang magsumbong ang mga kamag-anak niya sa mga pulis na agad namang isinagawa ang pagdakip sa mga suspek. Nabawi sa kanila ang singsing ng biktima.

Diyan natin hinahangaan si Major General Guillermo Eleazar dahil mabilis siyang umaksyon at walang sinasanto na mga kabaro basta nagkamali, tiyak kulong at tanggal. Hinikayat naman ni Eleazar ang mga biktima na magsampa ng reklamo laban sa mga suspek para tuluyan nang makulong at matanggal sa serbisyo.

Sa dami ng mga accomplishment ni Major General Guillermo Eleazar, walang duda na siya na ang pipiliin na maging PNP Chief sa pagreretiro ni General Oscar Albayalde. Mabuhay ka General Eleazar sir. Keep up the good work! (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARIO BATUIGAS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment