PULIS, IMBESTIGAHAN SA PAGKAMATAY NI MAYOR DAVID NAVARRO!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

DAPAT magpakitang gilas ang mga tauhan ni PNP OIC PNP Chief Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa kung gusto talaga nilang mapuri ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo’t gugunitain natin ang nalalapit na UNDAS sa inaasahang matinding trapik, na kung minsan ay pinagmumulan ng init ng ulo ng mga motorista.

Kailangan paigtingin ni Gamboa ang police visi­bility para masigurong “zero crime” sa araw ng UNDAS dahil milyun-mil­yong Filipino ang lalabas ng kanilang tahanan para dumalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay.

Dapat isama na rin nila sa pagpapakitang gilas ang mabilis na paglutas sa pamamaslang kay Clarin Misamis Occidental Mayor David Navarro.

Hindi biro ang pagpatay kay Mayor Navarro na pinagbabaril ng mga hindi pa nakilalang kalalakihan habang sakay ng van kasama ang hepe ng pulisya sa nasabing lungsod at naka-convoy naman ang mga pulis.

Halatang si Mayor David lamang ang target ng mga salarin dahil pinababa ito ng sasakyan at pinagbabaril ng mga suspek ngunit hindi man lamang nagpaputok ng kanilang baril ang mga pulis. Kung tutuusin, ka­yang ubusin ng mga pulis iyong apat na salarin dahil armado rin ng matataas na kalibre ng baril ang mga pulis kaya nakapagtataka kung bakit hindi sila nakapagpaputok ng baril.

Hindi ba sa mga insidente ng krimen kapag may sumalakay na mga salarin ay isinasama nila sa binabaril ang mga pulis? Bakit si Mayor Na­varro lamang ang kanilang binaril at wala rin nagawa ang escort ng alkalde at ang katabi pa niyang hepe ng pulisya sa lungsod na nabanggit? At bakit hinayaan ng mga pulis na tumakas ang mga salarin?

Pinaiimbestigahan na raw ni Brig. Gen. Val De Leon, Region 7 PNP director ang pagpatay sa alkalde. Hindi maganda tingnan sa PNP na mismong guwardiyado na si Navarro pero napatay pa rin ng mga salarin? Ipagpalagay na natin na nasa narco-list ng ating Pangulong Duterte si Mayor Navarro at nanakit ito at nanghipo ng attendant sa SPA, pero may karapatan pa rin ito sumagot sa korte kaugnay sa kanyang kaso.

Wala nang takot ang mga kriminal ngayon, General Archie Gamboa, Sir, kaya dapat paigtingin ninyo ang kampanya ng PNP laban sa  kriminalidad at sana walang nangyaring “Moro-Moro” o scenario sa pagpatay kay Mayor Navarro.

Ang mga kriminal tulad ng mga riding in tandem ay wala nang takot sa paggawa ng krimen kaya dapat palakasin pa ng PNP ang kanilang kampanya laban sa krimen. Hindi lamang cleansing sa PNP ang dapat na tutukan, iyung mabigyan ninyo ng proteksiyon ang taumbayan ay matutuwa si Pangulong Duterte.

Ilang araw na lamang ay pipili na si Pangulong Duterte ng bagong PNP Chief kaya dapat magpakitang gilas kayo at ibalik ninyo ang tiwala ng pangulo sa PNP. Sa panayam kasi ng media sa presidente, halatang malamya at dismayado ito sa PNP lalo na kung pag-uusapan ang ninja cops.

Kung hindi lamang inalis sa NCRPO si Major General Guillermo Eleazar, sisiw sa kanya ang mga kriminal at sigu­radong mabibigyan niya ng proteksiyon ang mamamayan sa Metro Manila dahil sa police visibility na inilalatag nito. (HAGUPIT NI BATUIGAS /  MARIO BATUIGAS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment