PROBLEMA SA TUBIG

NIPIS

BAGAY na bagay sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang awitin ni Lani Misalucha, Asia’s Nightingale, na “Tunay Na Mahal”.

Bakit? Nakasaad sa Chorus ng awiting ang “Nasaan na ang pangako mo, noong sinusuyo ako. Anong tamis, anong lambing binibigkas ng labi mo. Ngunit kahit nagbago sa akin ang damdamin mo, mananatili kang mahal sa puso ko”.

Noong bago pa lang igawad ng MWSS sa da­lawang concessionaires ang sole right to manage, operate, repair, decommission at refurbish ang mga pasilidad na dating sila ang namamahala, kung ano-anong mabubulaklak na salita at pangako ang ginawa ng MWSS.

Sinabi nito na mas gaganda ang serbisyo ng tubig sa National Capital Region kapag sumailalim na sa pamamahala at pangangalaga ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services.

Sinamantala ng dalawang concessionaires ang crisis sa tubig kung kaya’t naniwala sa kanila ang pamahalaan lalo na ang taumbayan na ka­yang kaya nilang isaayos ang problema nang hindi tumataas ang gastos ng mga mamamayang naghihikahos.

Napakaraming pangako tulad nang pagpapagawa ng mga dam na pinagkukunan ng tubig upang hindi maubusan, pagsasaayos ng mga tubo upang hindi pasanin ng consumers ang mga tagas sa tubo na pumapasok sa kanilang bill at marami pang iba.

Pero nang makuha na nila ang kontrata, ano na? Hindi ba’t ang mga pagawain na dapat sagutin ng kanilang kum­panya dahil sila naman ang kumikita ay pawang ikinarga rin nila sa mga customer nila?

Sobra-sobrang pahirap kay Juan Dela Cruz ang ipinapasan ng dalawang concessionaires at maging ng MWSS.

Aba’y nasaan na nga ang pangako ninyo na aayusin ninyo ang suplay ng tubig sa Metro Manila. Hindi ba’t noong Marso ay naging problema na ang kakulangan ng suplay ng tubig dahil ang rason ninyo ay tag-init at bumaba ang level ng tubig sa Angat Dam at mga katulad nito na pinanggalingan ng tubig na isinusuplay sa Kamaynilaan.

Magkagayunman, dapat ay ibinaba ninyo ang presyo ng tubig upang maibsan ang inis at galit ng mga mamamayan dahil sa pinagdaraanan nilang hirap sa kawalan ng tubig. Pero may nangyari ba?

Nagbago na talaga ang MWSS, Manila Water at Maynila Water dahil hindi sila tumupad sa kanilang pangako.

Bagay na bagay sa mga nasabing kumpanya ang bahagi ng awitin ng Asia’s Nightingale “ Ngunit kahit nagbago sa akin ang damdamin mo, mananatili kang mahal sa puso ko”.

Nananatiling nasa puso ng mga tao ang galit dahil sa nananatili ring mahal ang kanilang singil sa tubig na kanilang isinusuplay.

May iba nga na ang rek­lamo ay sinisingilan sila ng tubig subalit madalas namang walang tulo ang kanilang gripo at umiigib sila kung saan o kaya naman ay umaasa sa rasyon ng trak ng bumberong kakilala.

Hay naku, kelan kaya mababago ang serbisyo o nagseserbisyo sa suplay ng tubig sa Metro Manila? Kung kelan isinapribado saka pa naman nagkaroon ng taas presyo at pangit na serbisyo. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment