PROBLEMA NATIN TAYO RIN ANG LULUTAS 

BOMBAHAN NA FINAL

WALANG ibang lulutas sa problema natin kundi tayong mga Pilipino mismo.

Tulad ng problema natin sa korapsyon, iligal na droga at peace and order.

Sa darating na Lunes, Mayo 13, 2019 midterm election na naman. Masusubok kung talagang gusto nating mabago o mawala ang korapsyon, iligal na droga at katahimikan ng ating bansa.

Magtulungan po tayo, piliin natin ang mga kandidatong matino at walang personal interest.

Hindi yung kaya siya tumakbo para magpayaman at magkaroon ng proteksyon sa kanyang mga negosyo at iligal na gawain.

Sabi nga ng mga silipero ng BOMBAHAN NA, walang karapatan ang taong naghahangad na maging maayos ang bansa natin kung hindi naman siya nakikipagtulungan o nakikiisa sa gawa.

Ibig sabihin ng BOMBAHAN NA, kung gusto nyo talagang magkaroon ng maayos, maunlad at tahimik na bansa makiisa kayo. Sa papaanong paraan?

Iboto niyo ang ma­tinong kandidato, walang bahid ng korapsyon at may malasakit sa kapwa niyang Pinoy.

Dahil eleksyon na naman, panay ang ikot ng mga lider ng mga kandidato.

Inaalam nila kung sino ang malalaking pamilya sa kanilang lugar.

Tatanungin ng mga ito kung ilan sa kanila ang mga botante, bakit kamo?

Para isa o dalawang araw bago ang eleksyon ay ibibigay na ang bayad para sa kanilang mga boto.

Mas malala pa sa mga lalawigan kung ikukumpara sa National Capital Region (NCR).

Bahay-bahay ang pinupuntahan ng mga lider ng kandidato para bayaran ang mga botante.

Kung ganyan ang ginagawa nyo na ibinebenta nyo ang inyong mga boto, ‘wag na kayong magha­nap ng kaayusan ng bansa natin.

Tanggapin nyo kung anung gagawin ng mga kandidatong pinagbentahan nyo ng inyong mga boto.

Kaya kung gusto natin na magkaroon ng pagbabago magkaisa po tayo, magkaroon tayo ng dignidad ‘wag natin ibenta ang ating kinabukasan sa mga kandidatong mapagsamantala.

Sabi nga, walang magbabayad ng boto, kung walang magpapabayad.

Dahil binayaran ang mga boto n’yo, walang silang utang na loob sa inyo.

Natural kung gaano kalaki ang kanilang ginastos para ipambili ng boto ninyo ay babawiin nila ito sa kaban ng bayan pag nanalo na sila.

Sino ngayon ang talo sa pagkapanalo ng pinagbentahan ninyo ng boto? Natural kayo ang talo at panalo ang politiko na bumili ng boto ninyo.

Rason ng nakararami kaya raw nila tinatanggap ang bayad ng kanilang mga boto kasi tuwing eleksyon lang sila nakikinabang sa mga kandidato.

Ika nga una at huling pakinabang nila.

Kasi nga tinatangkilik din natin ang kanilang kalokohan kaya sila nananalo at tayo ang may kasalanan kasi nagpapaloko tayo sa kanila.

Pero kung magkakaisa po tayong mga botante at panindigan natin na hindi natin tatanggapin ang kanilang bayad sa ating mga boto, malamang wala nang mangangahas sa kanila na mamigay ng pera tuwing eleksyon.

Sabi tuloy ng silipero ng BOMBAHAN NA, hindi puro salita lang kundi isagawa at manindigan laban sa katiwalian.

Gayundin ang iligal na droga, kaya lumala yan dahil may mga tiwa­ling opisyal ng gobyerno (politiko) ang mga protektor niyan.

Resulta, sa dami ng drug addict sa bansa natin, patayan dito, patayan dun, rape dito, rape doon.

Ngayon pagdating ng gabi sa tuwing naglalakad tayo, lagi tayong nag-aalala baka mabiktima tayo ng karahasan.

Nag-iisa lang ang Pilipinas, pag naging magulo ito, wala tayong pupuntahan kundi pagtiyagaan natin ito anomang nangyayari rito.

Para sa kaayusan natin at ikabubuti ng i­nang bansa, iboto ang mga bagong kandito. Ibasura ang mga politikong may bahid ng korapsyon.

Pagpalain po tayo ng Poong May Kapal. Amen.

oOo

Pasubugin ang katiwalian isumbong sa BOMBAHAN NA! sa email joel2amongo@yahoo.com o itext sa cel# 0917-120-40-74.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment