POSTE NG KURYENTE MISMONG SA MGA DAAN

ANG TOTOO

MAHIRAP unawain kung bakit may mga poste ng kuryente sa mga highway na nilaparan ng Dept. of Public Works & Highways (DPWH).

Iniinspeksyon at inaaprobahan ng DPWH ang mga natatapos na kalsada ng mga kontraktor pero nakapapasa pa rin ang mga daang may poste ng kuryente.

ANG TOTOO: mapanganib para sa mga motorista at commuters ang mga bumubulagang poste ng kuryente, lalo na sa mga highway.

Malimit ang dahilan kaya dahil may poste ng kuryente sa daan mismo ay kapag may “road-widening,” hindi na iniuusog ang mga poste ng kuryente.

Sinisemento ng mga kontraktor ang bagong daan kesehodang may poste na hinahayaan na lang. Mga bahay o gusali ay ginigiba kundi tinatabasan, pero ang mga poste ng kuryente, naka-pirmis lang.

Marami na ang naaaksidente bunga ng mga poste pero parang wala lang sa mga kinauukulan.

ANG TOTOO: kung totoong ayaw ni Pangulong Duterte ng katiwalian, hindi niya palalampasin ang konstruksiyon ng mga daan na puro kalokohan.

Dapat sitahin ni Duterte si DPWH Sec. Mark Villar kung bakit natutulog ito sa pansitan at hinahayaan na lang ang mapanganib na pananatili ng mga poste ng kuryente sa mga bagong niluwagang mga highway sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ito namang si Sec. Villar na sandamakmak na negosyo na ang kinokopo ng kanilang pamilya sa iba’t ibang sulok ng bansa, hindi naman na siguro niya kailangan ang mga porsiyentong bigay ng mga kontratista kaya pwede niyang sitahin ang tauhan niyang pumapayag sa pananatili ng poste sa mga niluluwagang mga daan.

ANG TOTOO: sa plano pa lamang ay hindi na dapat inaaprubahan ang pagsisimula ng proyektong pagpapaluwag sa daan kung hindi kasama sa plano ang agad na pag-aalis ng mga poste ng kuryente na nakatirik sa lugar mismo ng bagong daan.

Pwede po ninyong dito simulan ang imbestigasyon, Sec. Villar, o baka naman kailangan pa ang utos ng Pangulo, kung mag-uutos man. (ANG TOTOO / VIC VIZCOCHO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment