POLITICAL DYNASTY SALOT SA SISTEMANG PULITIKA SA PILIPINAS 

CHRISTIAN BOMB

BUMUWELTA si former Foreign Affairs Sec. Alan Cayetano sa mga bumabatikos sa political dynasty ng kanilang pamilya, dahil ayon sa kanya ay mas mabuti na raw matawag na political dynasty ang kanilang angkan, kesa matawag na mga buwaya o corrupt.

Ang mag-asawang Alan at Taguig City Mayor Lani Cayetano ay tumatakbo bilang kongresista sa magkabilang distrito ng Taguig City, at ang kapatid niyang babae na si Rep. Pia Cayetano ay kandidato sa pagkasenador habang ang kapatid na lalaki na si Lino ay for mayor naman ng lungsod.

Sa tema ng pananalita ni Cayetano ay para bang gustong palabasin nito na ang lahat ng mga angkan ng mga politiko na nagtataguyod ng political dynasty ay hindi korap.

At tila yata nakalimutan na rin ni Cayetano, na siya at ang kanyang misis na si Taguig City Mayor Lani Cayetano ay sinampahan na rin ng kasong graft sa Ombudsman ng civil society group na Philippine Association for the Advancement of Civil Liberties Inc. noong August 2014.

Kinasuhan noon ng civil society group sa Office of the Ombudsman si Alan Cayetano kaugnay sa pagkakasangkot nito sa pork barrel scam ni pork barrel queen Janet Napoles, at ang misis niyang si Lani, kasama ang 16 na konsehal ng Taguig City ay kinasuhan naman kaugnay sa overpriced na pagbili ng 18 multicabs na nagkakahalaga ng P8 milyon at pagbabayad ng P313 million sa may 3,000 ghost employees ng lungsod.

Kung may katotohanan man o wala ang alegasyong ito laban sa mag-asawang Cayetano, o kung bahagi lang ito ng pamumulitika sa kanila ng mga kalaban nila sa pulitika, ang isyu rito ay may nagsampa ng kasong katiwalian laban sa kanilang mag-asawa sa Office of the Ombudsman.

Hindi na nagkaroon pa ng mga balita tungkol sa kasong ito na isinampa ng civil society laban sa mag-asawang Cayetano, kung umuusad pa ba ang kaso o hindi na.

Hindi lang ang mag-asawang Cayetano na mula sa angkan ng political dynasty ang nasampahan ng kasong katiwalian sa Ombudsman. Marami pang iba.

Kaya’t huwag palabasin ni Cayetano, na ang pamilya ng mga politikong nagtataguyod ng political dynasty ay hindi korap.

Dahil sa totoo lang, itinuturing na isang malaking salot sa sistema ng pulitika sa Pilipinas ang laganap na political dynasty o mga magkakamag-anak na politiko. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HENRNADEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment