PINAKONG KASAL

yourservice

PINANGAKUAN ka na ba ng kasal?

May kaibigan ka ba o ‘di kaya’y kamag-anak na pinangakuan ng kasal? Isang pangakong napako na lamang at iniwan kang luhaan? Ngunit ang mas magandang tanong — may mahahabol ba tayo sa taong nangako ng kasal sa ilalim ng batas? Ang sitwasyong ito’y hindi na bago sa a­ting lipunan. Sa totoo lang, laganap ang pangyayaring ito — may maririnig o mababalitaan tayong isang babae na pinangakuan ng isang lalaki ng kasal — pangakong napako — at bigla na lamang naglaho ang nangako.

Paano ngayon ang babae? Iiwan na lamang ba natin siyang lumuluha at nag-iisa? Ano ba ang maaaring gawin ng batas?

Parang teleseryeng punompuno ng paghihinagpis at pakikipaglaban sa tadhana.

Ayon sa ating batas at maging sa mga utos na nilabas ng ating Kataas-taasang Hukuman  — hindi natin maaaring ihabla ang isang taong hindi tumupad sa kanyang pangakong magpakasal. Masakit, nakapanlulumo, nakakainis, nakagagalit — ngunit, ‘pag iisipin nating mabuti, walang batayan upang ihabla ang isang tao dahil lamang sa ‘di pagtupad ng kanyang pangakong magpakasal — ayon sa iba’t ibang kaso na nailabas na noon pa at hanggang ngayon — hindi ito batayan upang maihabla.

Ngunit — hindi po dito nagtatapos ang kwento. Hindi natin maaaring ihabla dahil lamang sa napakong pangako, pero pwede natin kasuhan kung dahil sa kanyang pangako ay nagkaroon ng gastusin ang babae kaugnay sa pagpapakasal tulad ng pagbayad na sa mga bulaklak, sa lugar ng handaan, sa simbahan, sa mga traje de boda at mga damit ng mga abay at maging ang mga magulang at isama na rin dito ang pagbayad sa pagkain na ihahanda ng caterer at marami pang iba.

Dahil sa pangakong binitawan ng lalaki na sila’y magpapakasal at hinayaan niyang ituloy ang mga preparasyon para rito ngunit wala naman pala siyang balak tuparin o magbabago lamang siya ng isip sa huling sandali — binubuksan niya ang kanyang sarili na kasuhan at singilin ng danyos o tinatawag natin na “da­mages”. Kasama na rin dito ang kahihiyan na haharapin hindi lamang ng babae kundi ng kanyang mga magulang at buong kaanak, lalo na kung ma­rami silang inanyayahan sa napakong kasalan.

Sa aking munting palagay, seryoso ang ritwal ng kasal — maging sa anong relihiyon man ito gawin. Ang kasal, ayon sa ating Family Code, ay isang institusyong social na hindi kailanman pwedeng galusan — ito’y hindi isang pangkaraniwang kasulatan o kasunduan ng dalawang kinakasal kundi isang institusyong bumubuo ng isang pamilya sa ilalim ng ating saligang batas. Ito’y panghabambuhay at hindi maaaring buwagin ninuman, pwera lang kung may mga kadahilanan na pinapahintulot sa ilalim ng ating Family Code.

Ito’y isang desisyong panghabambuhay. Hindi ito biro or laru-laro na pwede nating tigilan kung tayo’s nagsawa na o ayaw na natin. Kaya’t isipin mabuti bago magpakasal — huwag pabugsu-bugso na magbitaw ng salita o biro tungkol sa pagpapakasal. Hindi lamang ito nakasasakit sa ating kapwa kundi ito’y nagbibigay ng isang masamang imahe ng iyong katauhan. Liban dito, hahabulin din tayo ng batas kung sa ating biro or napakong pangako — maraming tao ang naperwisyo sa panahon, pera, kahihiyan at nasaktan ang damdamin. Hahatulan ka ng batas sa iyong pangakong napako. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Related posts

Leave a Comment