PINAGKAIT NA EDUKASYON

yourservice

MAAARI bang ipasara ng isang paaralan ang isang programa o kurso nila dahil kakaunti lamang ang nag-een­rol dito? Halimbawa, may isang inalok na programa o kurso ang isang unibersidad ngunit sa ikatlong taon ay nakita nilang kakaunti ang kumukuha nito at nalulugi ang paaralan. Maaari ba nilang agad itigil ito at ilipat na lamang ang mga naka-enrol na sa ibang kurso o programa?

Ito’y sinagot ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong Valmores vs. Achacoso, hango sa 831 SCRA 442, na nailathala noong July 19, 2017.

Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, hindi natin maaaring maliitin ang halaga ng edukasyon. Inulit ng hukuman na mga binigyan ng mandato ng batas ang ating mga unibersidad na bigyang daan ang mga mag-aaral na ito na tapusin ang kursong kanilang napili. Tinawag ito ng hukuman bilang “fair opportunity to complete the courses.” Inulit dito ng hukuman ang sinabi nito sa kasong Regino vs. Pangasinan Colleges of Science and Technology, hango sa 443 SCRA 56, nuong 2004), kung saan sinabi nito na hindi kailanman nasusukat ang edukasyon bilang isang bagay na pangkalakal. Oo, maaaring gamitin ang nakukuhang grado upang malaman ang antas ng edukasyon ng mag-aaral ngunit mas kailangan nating isaisip na ang edukasyon ay siyang daan tungo sa pagkuha ng trabaho at ma­buting kabuhayan. Kaya inaasahan na hahayaang magtapos ng piniling kurso o programa ang mga mag-aaral na nagbayad ng tuition fees, nakamit ang mga kinakailangang grado sa bawat aralin, nakumpleto ang requirements para magtapos, at pagkilala sa alituntunin ng paaralan.

Maaalala rin natin sa kasong Alcuaz vs. PSBA, kung saan naobserbahan ng hukuman na ang relasyon ng paaralan sa mag-aaral ay maihaha­lintulad sa isang kontrata. Kasunod dito, pinaliwanag din ng hukuman sa Non vs. Dames II, ang “termination of contract theory”. Ito’y nagsasabi na ang relasyong kontraktwal ng paaralan at mag-aaral ay hindi lamang sa isang semestre kundi sa kabuuang tagal upang matapos ang kursong pinili.

Kung babalikan natin ang ating katanungan — hindi maaaring alisin o tigilan ang isang kurso o programa kung may mga mag-aaral pang pumili nito — kahit kakaunti lamang sila sa kadahilanang may kinikilalang kontrata sa pagitan ng paaralan at ng mag-aaral. Ang obligasyon ng mag-aaral ay magbayad ng tuition fee, abutin ang antas o grado na kinakailangang ipasa ang mga klase nito, sumunod sa mga alituntunin ng paaralan, at kumpletuhin ang mga klase upang maaari itong magtapos sa kursong pinili. Sa panig naman ng paaralan, nararapat nitong ibigay ang mga klaseng kinakailangan sa kurso, magbigay ng mga guro upang magturo rito, gabayan ang mga mag-aaral sa kanilang programa at hayaan silang magtapos.

Sa aking munting palagay, hindi negosyo ang edukasyon. Totoo na kinakailangan ng pera upang magpatakbo ng paaralan ngunit dapat mangibabaw sa puso at isipan ng mga tagapamuno ng ating mga paaralan — pribado man at lalo na sa mga pampubliko — na ang edukasyon ay karapatan ng lahat — bata, matanda, lalaki man o babae. Ito’y likas na karapatan na naisasaad din sa Universal Declaration of Human Rights at maging sa mga pahina ng ating Saligang Batas. Huwag naman sanang maging batayan lamang kung kumikita ang unibersidad sa isang kurso o hindi. Ang edukasyon lamang ang katangi-tanging kayamanang maiiwan natin sa susunod na henerasyon.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment