PILIPINAS, TOP 5 SA MEDIA KILLINGS SA BUONG MUNDO!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

NANANATILING nasa ikalimang puwesto ang bansang Pilipinas sa buong mundo na pinakamabagal sa pagresolba ng mga kasong pagpatay sa mga mamamahayag, ayon sa ulat ng grupong Committee to Protect Journalists (CPJ).

Base sa 2019 World Impunity Index, lumalabas na lumala pa ang lagay ng Pilipinas ngayong taon kumpara noong 2018. Kinuwenta ng impunity index ang bilang ng mga unresolved journalist murders at pinoporsiyento ito kontra sa populasyon ng isang bansa.

Sinabi ng grupo ng CPJ, ang Pilipinas ay palaging nalalagay sa listahan kada taon dahil sa madugong ambush sa 58 indibidwal, kabilang ang 32 mediamen sa Ampatuan, Maguindanao noong 2009.

Biruin mo nga naman na umaabot na sa 41 ang unsolved media killings sa bansa kabilang ang Maguindanao massacre.

Sa nakalipas na 12 taon, palaging napapabilang sa index ang bansa kung saan mayroong lima o higit pang hindi nare­resolbang kaso ng media killings.

Iyan mga pare ko ang katotohanan na mas lalong lumala ang media killings sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang na rito ang pagpatay sa kolumnistang si Jupiter Gonzales na isang mahusay makisamang mamamahayag.

Bagama’t may task force na binuo ang Malakanyang, Presidential Task Force on Media Security na pinamumunuan ni Usec Joel Egco at wala tayong masasabi dahil ginagampanan naman ni Egco ang kanyang trabaho subalit hindi nito kayang bigyan ng proteksiyon ang media personalities.

Masigasig si Egco sa pagresolba sa pagpatay sa mga kapatid sa hanapbuhay, pero hindi pa rin nito maikakaila na nasa top 5 na ang Pilipinas sa buong mundo na hindi nareresolba ang pagpatay sa mga mamamahayag.

Sa mga kapatid natin sa pamamahayag ay aking payo sa inyo, kailangan ninyong ma­ging alerto sa lahat ng oras, huwag ninyo gagamitin ang inyong kalayaan sa pamamahayag para banatan ang sinumang personalidad lalo na iyong mga personal attact lalo’t madali kayong tirahin dahil karamihan sa mga media na pinapatay ay iyong mga nasa probinsiya.

Hindi kasi alam ng mga kapatid natin sa hanap­buhay na kapag inatake nila sa diyaryo, radio at soyial media ang isang indibidwal, madali silang abangan o kaya tuntunin ng mga hired killer dahil maliit na lugar lamang ang kanilang ginagalawan kaya madali silang tambangan.

oOo

Ugaliing subaybayan ang aking araw-araw na programa (Facebook Live) sa LATIGO NEWS TV at youtube channel LATIGO ONLINE NATIONWIDE NEWS TV. (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARIO BATUIGAS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment