PHILIPPINE EMBASSY SA UAE PAHIRAP SA OFWs

KAAA BOOM

INIREREKLAMO ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang Philippine Embassy sa United Arab Emirates (UAE). Bakit?

Imbes kasi na maging refuge sana ang nasabing embahada para sa mga minamaltrato nating kababayan ay tila bangungot pa umano ang kanilang nararanasan.

Sa sumbong na nakarating sa atin mula sa mga OFW na ilang buwang nanatili sa embahada bago nakauwi sa ating bansa ay hirap umano ang kanilang dinanas habang nasa konsulada dahil umano sa kakulangan ng pondo. Nakupo! Anong nangyari? Nasaan ang pondo?

Nagsiksikan daw ang ating mga OFW sa isang maliit na kuwarto dahil na rin sa paglobo ng mga Pinay na minamaltrato ng kanilang amo at mga naloko ng illegal recruiter.

Alam kaya ng lolo Digong ko na maraming OFW na nakararanas pa rin ng pang-aapi sa nasabing bansa?

Nakarating pa sa ating kaalaman na ang ilan sa mga kababayan natin na nasa pangangalaga ng embahada ay mayroong malulubhang sakit at dahil sa siksikan sila sa isang kuwarto ay may posibilidad na magkahawaan sila.

Ang siste, matagal ang hihintayin ng ating mga kababayan bago sila makabalik ng bansa dahil ubos daw ang pondo kaya naman kahit nahihirapan ay wala silang magawa kundi magtiis at magdasal na maisama sila sa listahan ng pababalikin sa bansa.

Hindi rin makatawag ang ating mga OFW sa kanilang mga kamag-anakan o pamilya dahil pagpasok na pagpasok raw sa konsulada ay kinukumpiska ang kanilang mga cellphone.

Ano daw ‘yun? Bakit?

Anong problema, bakit kinukuha nyo ang cellphone ng ating mga OFW? May news black out? Mayroon ba kayong lihim ng guadalupe riyan sa UAE Philippine Embassy?

Ayaw nyo bang malaman na nitong nakaraang araw ay mayroong 70 OFWs ang mapalad na napauwi bunsod na rin sa isinagawang ‘noise barrage’ ng mga OFW sa konsulada kaya natakot kayo at nagawa niyo silang pauwiin? May tama ba ako?

Bukod sa siksikan ay dumaranas din ng gutom ang ating mga kababayan. Mantakin mo, ginagawan na lamang ng paraan ng mga cook para mapagkasya ang pagkain tulad ng dinadamihan daw ng sabaw ang kanilang lutuin para makakain ang lahat. Subalit kapos pa rin ito dahil ang ilan daw ay hindi nakakakain.

Buti na lamang ang ilan ay may mga kaanak na nagtatrabaho rin sa naturang bansa kaya nakapagdadala ng pagkain ang mga ito para sa ating mga OFW.

Ang ilan daw sa ating mga kababayan ay tumatakas na lamang sa konsulada at sila na ang bumibili ng ticket para makabalik na sa Pinas at makasama ang kanilang pamilya.

Para matakasan ang bangungot na kanilang dinaranas sa embahada.

Nakarating na kaya kay DOLE Secretary Silvestre Bello ang pagmamaltrato sa ating mg OFW sa UAE? Nakaabot na kaya sa kaalaman nito na ang ating konsulada ay punong-puno at nagsisiksikan ang ating mga kababayan?

Sa ganang akin, sana man lamang mabigyan ito ng atensyon ng ating pamahalaan kaya naman nananawagan tayo kay Lolo Digong o kay Senator Bong Go dahil inutil daw ang ating konsulada sa UAE! Kaaa Boom! (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment