PATUNAYAN NI MAGALONG NA MALINIS ANG PULIS-BAGUIO

BAKBAKAN NATIN

POKUS na uli si Mayor Benjamin Magalong sa Lungsod ng Baguio matapos ang kanyang natatanging papel sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa ilegal na droga, partikular sa panahon ng pagiging direktor noon ni Gene­ral Oscar Albayalde sa Pampanga noong 2013.

Kahit bagitong alkalde, maraming plano si Magalong sa Baguio upang maresolba ang problema sa napakatin­ding trapik, basura at mga punong ipinapuputol ng mga negosyante.

Pero ang mabigat na kagyat na hamon kay Magalong ay ang katiyakang walang pulis na sangkot sa ilegal na droga at sugal.

Kahit malayo ang Baguio, may problema rin ang lungsod na ito sa ile­gal na droga at sugal.

Siyempre, dapat kumikilos ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Baguio laban sa ilegalidad na ito.

Ngunit hindi maiiwasan bilang alkalde na maglalabas din siya ng direktiba sa PNP ng lungsod hinggil sa kaayusan at katahimikan ng lungsod, lalo pa’t dinarayo ng ma­raming turista ang Baguio.

Inaasahan ding maghihigpit si Magalong sa lokal na pulisya upang matiyak na walang sangkot sa kanila sa katiwalian.

Kahit saang lugar sa bansa, kabilang na ang Baguio City,  sa ilegal na droga at ilegal na sugal madalas masangkot ang mga pulis, lalo na iyong mga takam na takam sa pera.

Sa tingin ko na ay kailangang tiyakin at patunayan ni Mayor Magalong na walang kahit isang pulis ng lungsod ang dapat masangkot sa katiwaliang ito.

Kailangan niyang tiyaking malinis ang pulis sa Baguio, sapagkat dahil sa operasyong “agaw-bato” (pagbabawas ng malaking halaga ng shabu sa nakumpiskang shabu mula sa drug lord) na ginawa ng sinasabing “13 ninja cops” kaya nalaglag si Albayalde sa kanyang pagiging PNP chief.

Dapat ding tiyakin ni Mayor Magalong na wala sa mga pulis ni Col. Allan Rae Co na patong o tumatanggap ng lingguhang tara mula sa mga gambling lord sa Baguio upang bigyan ng proteksyon ang ilegal na pasu­galan na naglipana sa Baguio.

Sa totoo lang, kung mayroong lingguhang tara ang mga pulis mula sa gambling lords, siguradong tiba-tiba sa “protection money” na natatanggap ang mga pulis mula sa mga gambling lord.

Sa Baguio po ay talamak ang drop ball at color games.

Nangunguna sina alyas “Patrick,” alyas “Tuy-oy,” alyas “Buda,” alyas “Jimmy,” alyas “Edna,” alyas “Bobby” at alyas “Jasmin”.

Ayon sa source, ang pa-drop ball ni Patrick ay matatagpuan sa Brgy. Legarda at Brgy. Bokaokan na mistulang “mini-casino”.

Permanente o puwesto pijo ang mini-casino ni alyas Patrick, ayon sa source.

Pokaragat na ‘yan!

Ang drop ball ni alyas Tuy-oy ay makikita sa Dangwa/Mallcom Plaza.

Iyong ilegal na pasu­galan ni alyas Buda ay lantaran sa Slaughter.

Sa Magsaysay nakapuwesto ang pa-drop ball ni alyas Jimmy.

Hindi rin pahuhuli ang ilegal na pasugalan nina alyas Edna, alyas Bobby at alyas Jasmin.

Ang puwesto ni alyas Edna ay sa likuran ng Andoks.

Sa Hill-Top at Magsasay nakapuwesto ang pa-drop ball nina alyas Bobby at alyas Jasmin.

Ibinunyag din ng source na sa Salughter din makikita ang pasugalan ni alyas “Marilyn”.

Si alyas “Josie” ay mayroong puwesto rin sa Magsaysay.

Ang matindi sa ile­gal na pasugalan ay ang Baguio na pinapabayaan lang ni Col. Co, gayong lantarang tumataya ang mga minor de edad dito.

Tambayan din ng mga adik ang karamihan sa mga pasugalang ito.

Madalas ding nagaganap sa mini-casino ni alyas Patrick ang bilihan ng shabu.

Ang bagong impormasyong nakarating sa akin ay protektado ang lahat ng ilegal na pasugalan sa Baguio City ng mga korap na pulis.

Kapag binibigyan ng proteksyon ng mga korap na pulis ang mga taong ilegal ang negosyo ay pihadong hindi mawawala ang sugal sa Baguio.

Sino man ang mga korap na tauhan ni Col. Co ay siguradong nakahihiya sa PNP ang mga ito.

Ang masama, bahagi ng perang ibinubuhay ng mga korap na pulis na ito sa kanilang mga pamilya ay galing sa “protection money” na ibinibigay kada linggo ng mga gambling lord sa kanila.

Dapat kumilos si Mayor Benjamin Magalong laban sa talamak na ilegal na pasugalan sa nasabing lungsod.

Utusan ni Magalong si Col. Co na ipatigil ang lahat ng ile­gal na pasugalan sa lahat ng kalsada at sulok ng Baguio City.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment