PATAYAN, DROGA, SUGAL AT PRIME WATER SA BULACAN

BAKBAKAN NATIN

MAGSISIMULA pa lang manungkulan bilang gobernador si Daniel Fernando sa Bulacan ay bigla na lang naging mainit na balita ang kanyang lalawigan.

Ang labis na nakadidismaya sa balita ay “killing fields” ang Bulacan, ayon sa ulat ng Amnesty International (AI).

Ang tinumbok na isyung ito ng AI ay bahagi ng kabuuang ulat nito sa madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Ang punto ng AI, ang operasyon  ng Philippine National Police (PNP) na nakabase sa Bulacan ay tumindi ang madugong kampanya laban sa iligal na droga, sapagkat tumaas ang bilang ng mga namatay rito nitong nakalipas na taon.

Ang hindi maganda sa kampanya, ayon sa mga bumabatikos sa drug war ni Duterte, ay iyong mga kabilang sa mahihirap na mga pamilya ang tanging kayang patayin ng mga pulis sa Bulacan.

Dahil sa nadiskubreng ito ng AI, maaaring maraming tao ang magsabing mahihirap lang ang puntirya ng PNP – Bulacan laban sa iligal na droga.

Ang masama rito, mayroong impormasyong nagsasabing ang iba ay pinatay ng mga pulis ­pagkatapos nilang kidnapin.

Tapos, pinalabas sa media na sila ay ‘nanlaban’ sa mga pulis, kaya namatay.

Naganap ang mga pangyayaring ito habang ang hepe ng PNP sa Bulacan ay si Col. Chito Bersaluna.

Si Bersaluna ay naging kontrobersyal na rin ukol sa giyera laban sa iligal na droga.

Ito ay noong siya ang hepe ng pulisya sa lungsod ng Caloocan kung saan pinatay ng tatlong pulis ang minor de edad na si Kian delos Santos dahil sa iligal na droga.

Natanggal sa Caloocan si Bersaluna dahil sa pangyayaring ito.

Totoong bagong gobernador si Fernando, ngunit hindi siya bagitong opisyal ng panlalawigang pamahalaan.

Matagal din siyang naging bise-gobernador.

Kaya, hindi dapat ignorante si Fernando sa sinasabing killing field ang Bulacan kaugnay sa kampanya laban sa iligal na droga.

Hindi rin maipagkakailang talamak ang iligal na droga sa Bulacan.

Mainam na paimbestigahan ni Fernando ang ulat ng AI upang malaman niya kung totoo ito o hindi.

Paimbestigahan na rin ng gobernador si ­Bersaluna kung bakit nauwi sa ­pagiging sentro ng patayan ang Bulacan habang siya ang hepe ng pulisya.

Komprontahin din ni Fernando si Bersaluna kung bakit talamak ang iligal na pasugalan sa Bulacan.

Talamak ang bookies ng small town lottery (STL) na ­nagsisilbing prente ng jueteng, kaya hindi kumikita nang malaki ang Philippine Charity ­Sweepstakes Office (PCSO).

Ang siste, ang mga ­pergalan daw ang tambayan ng mga adik, tulad ng pergalan ni alyas “Beth Taba” sa Calumpit.

Isa pa, may artistang ­matagal na ring nakulong sa bilangguan sa Bulacan dahil sa droga na ngayon ay mayroon nang kubol sa kulungan dahil ‘kaibigan’ ng isang opisyal sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.

Dahil sa pakikialam ng opisyal na ito, espesyal na ang trato sa naturang bilanggo.

Ang isa pang sakit ng ulo sa Bulacan ay ang mataas na singil sa tubig.

Ang sentro ng ­alingasngas ng mga apektado ng mataas na singil sa tubig ay ang Prime ­Water Infrastructure Corp.

Ang singil ng Prime Water ay mahigit P25 kada kubiko-metro.

Ang iba, tulad ng Bustos Water District ay nasa P11 bawat kubiko -metro.

Ang Prime Water Infrastructure Corp. ay pag-aari at kontrolado ng pamilya ni Senadora Cynthia “Hanepbuhay” Villar.

Nang malaman ko ang ­balitang ito tungkol sa napakataas ng buwanang singil ng Prime Water ay pumasok sa isipan ko ang pahayag na: “Hanepbuhay talaga ang pamilya-Villar!”

Mahigit sa kalahati ang presyo ng Bustos Water District kumpara sa Prime Water.

Kaya, hanepbuhay talaga ang mga Villar! (BAKBAKAN NATIN / Nelson S. Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment