PATAS NA BATAS SA PAUPAHAN 

BOMBAHAN NA FINAL

MALINAW po na nakasaad sa Republic Act (RA) No. 9653 partikular sa Section 1 na mas kilala sa tawag na “Rent Control Act of 2009” na may kanya-kanyang karapatan ang mga nangungupahan (lessee) at nagpapaupa (lessor/owner) ng bahay man o apartment.

Isa-isahin po natin para sa kapakanan ng mil­yong Pinoy na walang sariling bahay at nangu­ngupahan lang.

At sa kapakanan na rin ng mga nagpapaupa o mga may-ari ng mga paupahan.

Sinadya po nating talakayin sa BOMBAHAN NA ang usapin na ito sa paupahan dahil maraming apektado nito.

Madalas nagbabangayan ang magkabilang panig (nangungupahan at nagpapaupa) dahil hindi nila maintindihan ang batas o sinasadyang ayaw nilang pansinin ito.

Isa na rito ang nagmamay-ari ng paupahan sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City na wala raw batas-batas sa kanya.

Pwede ba ‘yan? Kung ayaw mo magpasakop sa batas ng Pilipinas, sa ibang planeta ka tumira na ikaw lang ang masusunod.

Una, dapat may kontrata (lease agreement) sa pagitan ng umuupa at nagpapaupa, ‘pag wala nito, paglabag agad ito sa batas, iligal na ang paupahan.

Sa Section 2. Declaration of Policy – hindi basta puwedeng magtaas ng upa ang may-ari ng paupahan upang protektahan ang mababang kita ng mga umuupa.

Tinutukoy po sa batas na ito kung ang bayaran  sa upa ay buwanan o iba pang paraan ng pagbabayad.

Sa Section 4. Limit on Increase in Rent – sa loob ng isang taon mula nang naging epektibo ang batas, walang pagtataas na dapat ipatupad sa mga residential unit na sakop nito.

Kung magtaas man ng buwanang renta ay hindi lalagpas ng 7% taunan hanggang nakaokupa pa ang dating nangu­ngupahan.

Samantala, kung mababakante na ang residential unit mula sa da­ting umuuupa (lessee) ay maaari nang tumanggap ang nagpapaupa (lessor) ng panibagong uupa.

Hindi pinahihintulutan ng batas ang pagtataas ng renta sa mga boarding house, dormitories, rooms at bed spaces para sa mga estudyante ng mahigit o minsan sa bawat taon.

Sa Section 5. Coverage of this Act – sakop nito lahat ng residential units sa National Capital Region at iba pang highly urbanized city o mauunlad na siyudad sa buong bansa.

Na ang renta ay mula sa P1.00 hanggang P10,000 at lahat ng residential units sa iba pang lugar na may buwanang upa mula P1.00 hanggang P5,000 na walang nananatiling kontrata.

Sa section 6. Authority to Continue Rental Regulation – ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) kasama ng National Statistics Office ang magtatakda kung nararapat ba ang pagtataas base sa inflation rate on rentals.

Base naman sa Section 7. Rent and Requirement of Bank Deposit – ang renta ay kailangan bayaran nang mas maaga ng limang araw kada buwan o depende sa nakalagay sa kontrata.

Hindi rin pinapayagan ng batas sa nagpapaupa na humingi ng mahigit sa isang buwan advance sa renta, subalit pinahihintulutan siyang maningil ng mahigit sa dalawang buwan na deposit na ilalagay sa lease contract nito at makukuha ng umuupa kasama ng tubo nito sa bangko na pinaglagakan nito.

Subalit kung mayroon electricity, telephone, water bills o iba pang nasira sa bahay/paupahan ang nasabing dalawang buwang advance ay maiiwan sa nagpapaupa para pang-abono sa mga nasabing bayarin o nasira.

Sa Section 9. Grounds for Judicial Ejectment – Maaari lamang paalisin ang nangungupahan kung sa loob ng tatlong buwan ay hindi na siya nakababayad ng renta.

Hindi rin basta-basta pwedeng paalisin ang nangungupahan na hindi natatapos ang kanilang kontrata.

Kinakailangan ding magbigay ng nagpapaupa ng kaukulang formal notice sa nangungupahan sa loob ng tatlong buwan.

Maaari namang magpaalis ang nagpapaupa sa nangungupahan kung ang kanilang gusali ay isasaayos o ipagagawa dahil sa kalumaan na nito na maaaring pagmulan ng disgrasya.

Ipinagbabawal din sa batas na ito ang gawing dahilan ng pagbebenta o pagsanla ng may-ari ng residential unit kaya niya pinaaalis ang mga nangungupahan sa kanila.

Ang lalabag nito base sa SEC. 13, Penalties– ang multa ay hindi bababa ng twenty-five thousand pesos (P25,000.00) at hindi naman lalagpas ng fifty thousand pesos (P50,000.00) o pagkakulong ng hindi bababa ng isang taon at isang araw at hindi lalagpas ng anim na buwan.

Paalala po ng BOMBAHAN NA dapat lahat ng mga nagpapaupa ay alam ang batas ng pagpapaupa dahil hindi kayo sasantuhin ng batas na ito.

Kung sa bagay, kung marami kayong pera, maliit lang ang multa rito, pero ‘pag kayo naman ay nakulong dahil lang sa batas ng paupahan ay nakakahiya kayo.

God Bless Po. (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Para sa suhestiyon at reaksyon, maaari po kayong mag-email joel2amongo@yahoo.com

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment