PATAKARAN NG QCU TALIWAS SA GUSTO NI PRES. DIGONG?

BOMBAHAN NA FINAL

MEDYO lihis sa gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang patakaran na pinaiiral ngayon sa Quezon City University (QCU) dating Quezon City Polytechnic University (QCPU).

Bakit kamo?

Sa kabila na pinaglaanan na ni Pangulong Duterte ng pondo ang universities at colleges na pag-aari ng gobyerno para libre nang makapag-aral ang lahat ng lahi Juan, may panibagong problema na naman.

Tungkol sa usapin ng bayaran.

Isa na rito ang QCU na dating QCPU na ang kanilang main ay nasa Brgy. San Bartolome at bran­ches nito sa San Francisco at Batasan, pawang matatagpuan sa Quezon City.

Noong Setyembre 13, 2019 may inilabas ang QCU sa kanilang Facebook page na nagsimula na silang tumanggap ng applications for admission noong nakaraang Setyembre 16 para sa 2nd Semester of SY 2019-2020.

Ito ay para sa mga returning student at transfe­rees ng unibersidad.

Ibig sabihin, kung ikaw ay dati nang estud­yante sa paaralan na natigil ka dahil sa kakulangan ng budget tapos ngayon gusto mo muling mag-aral dahil libre na ang tuition o natigil ka lang sa pag-aaral sa nasabing eskuwelahan, muli ka nilang isasailalim sa entrance exam.

At hindi lang ordinaryong eksaminasyon, may bayad at tumaas pa lalo.

Kung dati na may tuition pa sa QCPU ay P100 hanggang P200 lang ang bayad sa entrance exam, ngayon na libre na ang tuition itinaas pa nila ito sa P500.

“Sir, wala pong pakialam sa mahihirap yang mga namumuno riyan sa QCU, gusto po nila sila ang masusunod hindi ang kagustuhan ni Pangulong Duterte,” pahayag ng silipero ng BOMBAHAN NA.

Tama nga naman ang sinabi ng silipero ng BOMBAHAN NA, Si Pangulong Duterte gusto niya lahat ng mga Filipino ay makapag-aral sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo sa mga unibersidad at kolehiyo ng gobyerno.

Tapos ang unibersidad at kolehiyo na pinatatakbo ng mga lokal na pamahalaan ay kung anu-ano pang ipinatutupad para lang makapagbayad ang kanilang mga estudyante.

At ang kanilang pinahihirapan pa ay ang transferees at returnees.

Alam nyo ba kung ano ang pinagdaanan kaya natigil ng pag-aaral ang isang returnee?

Alam nyo rin ba kung bakit may transferee o lumipat sa inyong unibersidad?

Kung tunay na may malasakit kayo sa kapwa, hindi nyo na pahihirapan ang gustong mag-aral.

Ika nga ay ang edukasyon ay para sa lahat.

Malay nyo ang transferee na pinahihirapan nyo ay ga­ling sa magulong lugar tulad sa Mindanao at yung returnee ay nagkaroon ng problema sa budget ang kanilang pamilya.

Hindi nyo ba naisip ang mga yan?

Paalala lang po sa mga chief executive o mayor na may nasasakupang unibersidad at kolehiyo, hindi nyo pag-aaari ang mga paaralan na yan.

At lalong walang utang na loob sa inyo ang taumbayan, kayo ang may utang na loob dahil kung hindi kayo binoto wala kayo ngayon sa kinalalagyan nyo.

Baliktad ang ginagawa nyo, gusto nyo taumbayan ang magkaroon ng utang na loob sa inyo.

Iba na ang panahon ngayon sa dati, hindi na uubra ang bulok na sistema.

Ngayon pag mali kayo, mali talaga. Dati nagagawa nyo pa kahit na mali ay ginagawa nyong tama.

Natatandaan pa natin na kahit na nagpahayag na si Pangulong Duterte na libre na ang tuition sa mga unibersidad at kolehiyo ng gobyerno, ang QCPU ay hindi agad nagpatupad nito.

May masama ring patakaran sa mga eskuwelahan na pinatatakbo ng local government unit. Pag hindi rehistrado o botante ang mga magulang sa kanilang lokalidad ay hindi nila tatanggapin ang anak ng mga ito.

Gusto talaga paikutin ng mga LGU na ito sa kanilang palad ang mga residente sa kanilang nasasakupan.

Kawawang Juan Dela Cruz, sana lang lahat ng Mayor tulad ni Isko.

Hayahay sana ang buhay ng lahi ni Juan. Adios!

Hindi po natin personal na kakilala si Mayor Isko pero nakikita po natin na may katotohanan ang kanyang mga ginagawa at sinasabi.

Ang pagmamahal sa kap­wa ay pagmamahal na rin sa Panginoon.

oOo

Pasabugin ang katiwalian. Magsumbong sa BOMBAHAN NA, mag-email joel2amongo@yahoo.com o magtext sa cel#0977-751-18-40. (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Related posts

Leave a Comment