PARA PAGTAKPAN ANG PANG-AABUSO NG CHINA, GIYERA PANAKOT NI DUTERTE SA PILIPINO

CHRISTIAN BOMB

HINDI katanggap-tanggap sa mga Pilipino ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaibigan daw ng Pilipinas ang China kaya pinayagan niyang makapa­ngisda ang mga Chinese sa West Philippine Sea (WPS).

Kung totoo kasing kaibigan ng Pilipinas ang China ay bakit binangga ng Chinese militia vessel ang bangkang pangisda ng mga Pilipino? At Habang lumulubog ang bangkang gawa sa kahoy, tumalilis ang mga Chinese at inabandona ang mga binangga.

Mabuti na lang at naka-rescue agad ang mga mangingisdang Vietna­mese.

Sa isyung ito, ma­linaw na nilabag ng mga Chinese ang pandaigdigang batas ng karagatan ng pagsaklolo. Nasa malaking panganib ang mga Pilipinong nalulunod sa dagat pero imbes saklolohan, ay iniwan.

Sa buong mundo, may tinatalimang batas ang lahat ng pumapalaot: dapat saklolohan ang “man overboard,” sinoman siya, saan mang bansa siya nagmula. Malinaw nilabag ito ng mga Chinese.

Hindi lang ang insidenteng iyan ang naranasan ng mga mangingisdang Pinoy, dahil nuong nakaraang taon ay mismong China Coast Guard (CCG) ang gumawa ng harassment sa kanila sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Patuloy ang reklamo ng mga mangingisdang Pinoy laban sa China Coast Guard, Chinese militia at maging sa mga mangingisdang Chinese, at ang hiling nga nila ay huwag nang payagang makapasok ang mga ito sa teritoryo ng Pilipinas, pero bingi sa karaingang ito ang gobyerno ni Pres. Duterte, at sa halip, pinayagan pa ngang makapangisda sa karagatan ng Pilipinas ang mga Chinese.

Ang paulit-ulit na sinasabi ni Pangulong Duterte, magkaibigan daw ang Pilipinas at China.

Kung totoong kaibigan talaga ang turing ng China sa Pilipinas ay dapat sila na mismo ang magpatunay na malayang makapangingisda ang lahat ng Pinoy sa WPS.

Pero hindi, at tila inangkin na ng China na kanilang teritoryo ang WPS, samantalang ang gobyernong Duterte naman ay pinagtatakpan ang pang-aabuso ng mga Chinese sa mga Pinoy sa dagat ng Pilipinas.

Nakalulungkot isipin na sa kabila na Pilipinas ang may eks­klusibong karapatang mangisda sa Recto Bank, na sakop ng ating Exclusive Economic Zone – isang kasunduan na inilatag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at pinagtibay ito ng korte sa The Hague, ay ang mga mangi­ngisdang Pinoy pa ang naagrabiyado, binu-bully at ginagawan ng karahasan ng mga Chinese sa dagat ng Pilipinas.

Para mapagtakpan ang pang-aabuso ng China, ang panakot ni Pres. Duterte kapag natatanong sa harassment at pambu-bully ng mga Chinese sa mga Pilipino sa WPS ay baka giyerahin at i-nuclear war daw ng China ang Pilipinas kapag pumalag ang kanyang gob­yerno laban sa China. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Related posts

Leave a Comment