PANGHA-HARASS NG MGA ONLINE LENDING COMPANY, TRENDING!

TINIG NG MANGGAGAWA final

MULA nang magpalabas ng babala ang kolum na ito hinggil sa naglipanang “raket” sa ONLINE CASH LOAN, sunod-sunod na rin ang reklamo na natatanggap ko sa ating “E-mail o online”.

Pansamantalang hindi ko papangalanan ang kompanyang inirereklamo dahil sa pangha-harass sa isa sa kanilang mga kliyente na nagoyo. Hindi na bago sa aking pandinig ang ganitong gawain ng mga nagpapautang.

Ito ‘yung estilong PAGBABANTA, PAGPAPAHIYA at PANANAKOT sa mga creditor na nabigong makapagbayad ng kanilang inutang na pera sa pamamagitan ng ONLINE CASH LOAN.

Ayon sa liham ni Mariel (‘di tunay na pangalan), “Nagpapa-loan po sila ng pera 14-days term, pero bukod po sa malaking deduction dahil bawas na po ang interes at service fee, maya’t maya ang tawag at nagre-remind ng pagbabayad gayung wala pa sa takdang araw ang kanilang due date.”

Ngunit dumating sa puntong hindi nga nakapagbayad sa itinakdang petsa ang nagrereklamo, kaya’t  pinutakte ng tawag ang kanyang cellphone mula sa mga representante raw ng lending company na kanyang inutangan.

“Kapag tinatawagan namin ‘yung tumawag sa akin, hindi naman nakokontak. Ang nakapagtataka po kung papaano nila nakukuha ang numero ng CP ng aking mga kaibigan at katrabaho at isa-isa nilang napapadalhan ng TEXT at tawag para maipaalam ang utang ko,” paglalahad pa ng nagrereklamo.

Sa pag-imbestiga ng TINIG NG MANGGAGAWA, lumilitaw na masuwerte pa pala itong nagrereklamong si Mariel. Dahil mas masahol pa ang ginawang PAMAMAHIYA sa ibang UMUTANG, dahil Facebook ang ginagamit para IPAHIYA ang umutang na hindi nakapagbabayad.

oOo

Sa isa pang reklamo na ipinadala sa kolum na ito ng isang taga-Antique na itago natin sa alyas na Gloria, nakababahala ang reaksyon ng nagrereklamong ito dahil sa dumating na raw sa puntong gusto na n’yang MAGPAKAMATAY.

Ito ay dahil sa labis na kahihiyang dulot ng pangha-harass ng isa ring kompanya ng ONLINE CASH LOAN.

Ang hindi umano katanggap-tanggap na pangyayari ay ang palilitawin umanong nangutang siya sa lending company gayung wala naman siyang inutang at ni hindi binalak na umutang. Narito ang kanyang reklamo:

“Iginigiit po nila sa akin, na sa akin daw nakapangalan ang ONLINE CASH LOAN sa lending company na may pangalang “FAST CASH,” ayon sa nagrereklamo.

Giit pa ng nagrereklamo, “hindi po ako nag-loan sa kanila, ayaw nila maniwala. Nakuha ko raw po ang pera sa M.L. Lhuiller, P4,000 daw po. Nagmamatigas po ako na hindi bayaran kasi wala naman po talaga akong nakuha. Tapos ngayon po ay araw-araw na po silang tumatawag sa mga contact ko at ipinapaalam ang pagkakautang ko raw.”

“Nu’ng nakaraan po may tumawag sa akin, pinagmumura po ako. Ang sabi po, patay gutom daw ako, walang-hiya, garapal. Labis-labis na pong kahihiyan ang tinatanggap ko at pangha-harass nila,” dagdag pa sa reklamo ni Gloria.

Ang masahol pa, strategy ng mga dorobo na ito, na i-post sa FB page ng kompanya ang mga nangutang daw sa kanila at ise-send ito sa FB account ng ‘nangutang’ kaya malalantad ito sa kahihiyan sa mga kaibigan nito.

Sa susunod na isyu ng kolum na ito ang iba pang TRENDING na “Modus” ng mga kompanyang ONLINE CASH LOAN.  Abangan!

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment