PANGAKO NG MGA NANALONG KANDIDATO TUPARIN!

CHRISTIAN BOMB

LAHAT ng mga kandidato ay ina­aming dumarami ang naghihirap na mga Pilipino.

Ito ang katotohanang hindi nila kayang itago. Isang katotohanan na lagi na lang may “solusyon” sa panahon ng kampanya ng eleksyon. Katotohanan na ang “solusyon” diumano ay kung si ganito o si ganoon ang mananalo at makaupo sa pwesto. La­ging ganito ang naririnig at nababasa ng taumbayan, laluna ng manggagawa at maralita tuwing sasapit ang halalan.

“Malinis na pamahalaan”, “matino at tapat na taong nasa pwesto”, walang kurakot sa gob­yerno”, “libreng edukas­yon”, “trabaho”, “tamang sahod”, “lupa”, “pabahay”. Ito na ang laging sinasabi ng mga kandidatong nangangailangan ng boto ng manggagawa at maralita para masungkit nila ang kapangyarihan sa bulok na pamahalaan.

Bawat isa sa mga kandidato ay nagsasabing “ako at ang aking partido ang may tunay na plataporma at programa para maiahon ang sambayanan mula sa kahirapan”. Ilang dekada na ba nating narinig ang mga katagang ito? Ilang dekada na ba nating na­rinig na naghirap diumano ang bansa dahil sa “maling pamamahala”, dahil “hindi mga tamang tao ang naluklok sa gob­yerno”. Hindi ba’t ito lagi ang sinasabi ng nasa oposisyon na nais palitan ang administrasyon?

Ang administrasyon naman ay laging nagsasabing wala sa kanila ang problema kundi “hindi sapat na panahon ng panunungkulan” ang siyang dahilan kung bakit ang mga pangako ay hindi natupad. Ang nasa admi­nistrasyon ay sinisisi ang lahat maliban sa kanilang sarili sa mga kapalpakan ng kanilang “plataporma” at “programa”.

Ganito lagi ang eksenang nakikita natin sa kada tatlo at anim na taong palabas ng eleksyon.

Ngayong tapos na ang eleksyon, at may mga nananalo na, sana ay alisin na ang sistema ng mga trapo o traditional politician na kung ano-ano ang ipinangangako sa publiko para sila ay maiboto, pero kapag naluklok na, ang mga pangako ay napako na. Ayaw nang tuparin.

Dapat, kung ano ang ipinangako sa publiko ng mga nanalong kandidato ay tuparin na alang-alang sa kapakanan ng bayan at mamamayan. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment