‘PAMILYA VILLAR KONTROLADO ANG 63 ‘WATER DISTRICTS’ SA BANSA

BAKBAKAN NATIN

MAGLINAW muna tayo, hindi pinababagsak ni Pangulong Rodrigo Duterte kundi iwinawasto lamang niya ang pagiging ganid sa tubo ng dalawang oligarko (Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc.) sa negosyong distribyusyon ng tubig sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.

Ang pangulo na totoo at tanging nagpabagsak sa oligarkong pamilya Lopez ay ang namayapang Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Naganap ito noong 1973 nang magpasya si Marcos na kunin ng pamahalaan ang Manila Electric Company (Meralco) mula sa pag-aari, kontrol at pamamahala ng pamilya Lopez.

Hindi nagdalawang-isip si Marcos na pabagsakin ang pamilya Lopez kahit naging pangalawang pangulo niya si Fernando Lopez mula 1965 hanggang 1972.

Si Lopez ay nakababata at tanging kapatid ni Eugenio Lopez Sr., ang namayapang ‘boss’ sa mga negosyo ng pamilya Lopez.

Mula nang mawala si Marcos sa kapangyarihan ng estado noong 1986, lahat ng pangulo ng bansa mula kay Corazon Aquino hanggang sa anak nitong si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay naging kaibigan, kadikit at makapangyarihang taga­suporta ng pamilya Lopez.

Ngayong si Rodrigo Duterte na ang pangulo ng Republika ng Pilipinas muling nakatapat ang pamilya Lopez ng matapang na pangulo.

Kaya delikado ang ABS-CBN Corporation dahil hinaharang ni Duterte ang pagpasa ng prangkisa nito.

Ang ABS-CBN ay isa sa tatlong kumpanya sa media na ginamit ng pamilya Lopez noon laban kay Marcos.

Ang dalawa pa ay ang The Manila Times at Manila Chronicle.

Hindi na pag-aari ng mga Lopez ang The Manila Times, samantalang matagal na ring nagsara ang Manila Chronicle.

Ang pagtanggi ni Duterte na bayaran ang sinisingil na P7.39 bilyon ng Manila Water at P3.4 bilyon ng Maynilad sa pamahalaan, alinsunod sa utos ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Singapore at pagbabago ng kontrata ng dalawang kumpanya sa Metropolitan Waterworks and Sewe­rage System (MWSS), ay pagtutuwid lamang sa mga kontra-mamamayang pagnenegosyo ng Manila Water at Maynilad.

Ang Manila Water ay kontrolado ng pamilya Ayala at mga kasosyo nilang mga dayuhang negosyante.

Ang Maynilad naman ay hawak at kontrolado ni Antoni Salim (negos­yanteng Indonesian) sa pamamagitan ng Metro Pacific Investment Corporations at pamilya Consunji sa pamamagitan naman ng DMCI Holdings Inc.

Hindi babagsak ang mga oligarko sa bansa, sapagkat wala ito sa ad­yenda ni Duterte.

Katunayan, isang pamilya na masasabing oligarko ang katayuan sa buhay ay patuloy na namamayagpag sa iba’t ibang klaseng negosyo, kabilang na ang distribusyon ng tubig.

Ang tinutukoy ko ay ang pamilya Villar na siyang may-ari at kontrol ng Prime Water Infrastructure Corporation.

Ang pamilya Villar ay kaibigan at kakampi ni Duterte. Ang Prime Water ay siyang mayroong hawak ngayon ng distribusyon ng tubig sa mga lalawigan.

Ayon kay Senador Richard Gordon, mula sa 76 water districts sa bansa ay 63 ang hawak at kontrolado na ng Prime Water.

Resulta ito ng desisyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na ikasa ang “public-private partnership” sa distribusyon ng tunig sa mga lalawigan.

Ang LWUA ang siyang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa mga water district. Pinamumunuan ni Jeci Lapus ang LWUA.

Si Lapus ay kamag-anak ng pamilya ni dating Pangulong Benigno Cojuangco Aquino.

Bukod sa negosyong tubig ng pamilya Villar, masyadong malaki at laganap na ang negosyong subdibisyon at pabahay ng pamilya Villar.

Ang kumpanyang naghahatid ng tubig sa mga subdibisyon ng pamilya Villar ay ang Prime Water na, uulitin ko, pag-aari ng pamilya Villar.

Bukod kina Senadora Cynthia Villar at Las Piñas Rep. Camille Villar, dalawang Villar pa ang bahagi ng administrasyong Duterte.

Ito ay ang mag-asawang Public Works and Highways Secretary Mark Villar at Justice Undersecretary Emmeline Aglipay Villar.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya tumawag o mag-text na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Related posts

Leave a Comment