PALPAK ANG PDEA SA HVT DRUG DEALERS

BAKBAKAN NATIN

MATAGAL-TAGAL na ring pinamumunuan ni Aaron Aquino ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ngunit mula noong maging hepe siya ng ahensiyang ito hanggang ngayon ay wala pang kahanga-hangang nagawa ang nasabing opisyal.

Si Aquino ay nagretiro bilang direktor ng Philippine National Police (PNP) sa Gitnang Luzon bago itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PDEA.

Napakahalaga ng papel ng PDEA sa kampanya laban sa ­ilegal na droga ng pamahalaan, sapagkat ito ang ­pangunahing ahensiya ng pamahalaan laban dito alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng batas.

Partikular na tudla nito ang high-value-target drug dealers.

May listahan ang PDEA ng mga high-­value-target.

Ngunit, hanggang ngayon ay wala silang nahuhuli.

Ibig sabihin, palpak ang PDEA sa pamumuno ni Aquino.

Ang mga high-­value-target na ito ay “napakalaki” ng papel sa ­patuloy na pagkalat ng ilegal na droga sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ngunit hindi pa rin nahuhuli o napapatay.

Ano kaya ang dahilan?

Mayroon kayang kasabwat o kumikitang opisyal sa PDEA mula sa mga high-value-target na ito?

Sa mga nakalipas na buwan, ilang ulit na inihayag ni Aquino sa media na mayroong mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa ilegal na droga.

Iba-iba ang kanilang puwesto sa pamahalaan – mayroong gobernador, bise-gobernador, alkalde, bise-alkalde at ­kongresista at mayroon ding ­opisyal sa mga pamahalaang barangay.

Ngunit, hanggang ngayon ay wala pang nadadakip ang PDEA sa mga nasabing opisyal ng pamahalaang lokal.

Minsan, ibinalandra ni Aquino sa Senado na may problema sa PNP, kaya kahit mahigit tatlong taon na ang walang humpay na kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte ay nananatiling talamak pa rin ito sa iba’t ibang panig sa bansa.

Eksaktong tinukoy ni Aquino na “ninja cops” ang hadlang sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Lumabas sa imbestigasyon ng Senado na mayroong ninja cops kung saan naiugnay si dating PNP Chief Oscar Albayalde.

Ngunit, hindi ang labing tatlong tauhan ni Albayalde noon sa Pampanga ang nag-iisang balakid kung bakit talamak pa rin ang droga.

Mayroon ding kasalanan ang PDEA.

Malaki ang pagkukulang ni Aaron Aquino rito.

Dapat, imbestigahan ng dalawang kapulungan ng ­Kongreso ang PDEA sa mga kapalpakan nito.

Alamin nila kung bakit walang nahuhuling ‘malaking isda’ ang PDEA.

Ito’y dahil ba sa ninja cops o baka naman mayroong pangkat sa PDEA na humaharang sa operasyon nila upang pagkakitaan na lang ang ilegal na droga?

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod. Kaya, tawag o mag-text na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment