PAGPATAY KAY MAYOR NAVARRO MALA-PELIKULA

BOMBAHAN NA FINAL

HINDI akalain ng BOMBAHAN NA ang estilo ng pananambang sa pelikula ay ganun din sa tunay na buhay.

Bakit nasabi natin ‘yan?

Kung ang pagpatay kay Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro kamakailan ay katulad ng nangyari sa reenactment ng PNP Region V ay parehong-pareho sa pelikula na kitang-kita ang kapalpakan ng mga pulis.

Ang nangyari, base sa reenactment, pinalagpas muna ng mga salarin ang unang convoy na escort ni Mayor Navarro bago hinarang ang kanyang sinasakyan na marked vehicle ng PNP kung saan kasama niya ang kanyang mga escort at kasunod ang isa pang sasakyan na may sakay ding mga police escort.

Tinutukan ng mga criminology… este mga kriminal pala ang dalawang sasakyan nang hindi pumapalag ang mga escort na pulis ni Mayor Navarro.

Kaya naman mala­yang nakuha at pinababa sa sasakyan ng mga armadong lalaki si Mayor Na­varro saka tinadtad ng bala sa mukha at iba’t ibang parte ng katawan.

Tameme ang mga pulis habang pinauulanan ng bala ng armalite ang alkalde na walang kalaban-laban.

Sabi nga ng kapatid ni Mayor Navarro, wala man lang siyang narinig na putok mula sa kanilang mga kasamang pulis.

Balik po tayo dun sa parang pelikulang nangyari, kadalasan po kasi ang mga pulis sa pelikula kung dumating ay tapos na ang banatan. Darating sila para ipunin na lang ang mga patay.

Saka maghahanap ng punerarya na kanilang kontak para kunin ang mga bangkay.

Ganun po ba sir? Ba­kit po, may komisyon po ba ang mga pulis sa mga patay na kanilang inire-refer sa mga punerarya? Tanong ng silipero ng BOMBAHAN NA.

Hindi naman po ako awtoridad o nag-aral pagdating sa pag-escort, halatang may milagrong nangyari sa pagpatay kay Mayor Navarro.

Natural pag-escort ang mga pulis ay alertado yan pero dito sa pangyayari ay mga kalmado lang sila. Anyare?

Sa pagkakaalam po ng BOMBAHAN NA, sa sandaling may humarang na sasakyan sa convoy ng escort sa kanilang dadaanan ay yuko agad sila at takpan ang kanilang binabantayan sabay paputok ng kanilang mga baril sa kalaban na humarang sa kanila.

Sabay suporta naman ng putok ng kani-kanilang mga baril din ang mga escort na nasa likod ng sasakyan ni Mayor Na­varro. Bakit wala, sabi pa ng mga utol ni Mayor na kasama niya sa sasakyan?

Isa pang malaking katanungan ay kung bakit nakalayo agad ang unang sasakyan ng escort din ni Mayor Navarro?

Planado po ba sir? Tanong pa ng isang silipero ng BOMBAHAN NA.

Inamin naman ni PNP Region 7 Director, Chief Supt. Val de Leon na mabilis ang pangyayari kaya walang nagawa ang kanyang mga tauhan kundi itaas na lang ang kanilang mga kamay.

Ibig sabihin, mas mabilis ang mga kriminal kesa sa mga awtoridad?

Parang inamin ni Gen. Val na totoo pala ang nangyayari sa pelikula na mabagal ang mga pulis pagdating sa mga ganyang pangyayari.

Hindi po kinakampihan ng BOMBAHAN NA si Mayor Navarro, ang sa atin lang po ay maging makatotohanan po tayo.

Paano po makakakuha ng tiwala ang mga pulis mula sa taumbayan kung ganyan ka-lousy ang pinaggagawa nila?

Hawak na ng maraming pulis si Mayor Navarro napatay pa ng mga kriminal?

Maging si Pangulong Duterte ay duda sa pagpatay kay Mayor Navarro.

Kaya ang National Bureau of Investigation (NBI) ay pasok sa imbestigasyon sa kaso.

Hala! Sige, abangan na lang po natin ang gagawing imbestigasyon ng NBI.

Pangarap po nating lahat na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis, sana po sa pamamagitan ng hihiranging bagong PNP chief ay magawa nya ito.

Mabuhay po ang Pambansang Pulisya!

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa BOMBAHAN NA mag-email joel2amongo@yahoo.com

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment