PAGBUHAY SA ‘NINJA COPS’ MAY HIDDEN AGENDA BA?

KAAA BOOM

ANO nga ba ang totoo sa isyu ng pagbuhay sa tinaguriang “ninja cops”? may hidden agenda ba o isa lamang black ope­ration para sirain ang hanay ng Philippine National Police (PNP) na ngayon ay pinamumunuan ni PNP Chief Genaral Oscar Alba­yalde? Bakit ganito ang aking katanungan?

Kasi, Nobyembre 8, 2019, magreretiro na sa serbisyo si General Albayalde tapos biglang lumutang ang matagal nang isyu ng ninja cops? Sa nasabing petsa,  singkuwenta y sais na siya, ang “compulsory age” para sa retirement ng isang pulis at paglisan nito sa PNP.

Simula nang maupo noong Abril 2018 si Albayalde, hindi matatawaran ang kanyang accomplishment lalo na ang pagsuporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa ile­gal na droga.

Ipinagpatuloy nito ang sinimulan noon ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ro­nald “Bato” Dela Rosa at makikita natin na naging matagumpay ang operasyon ng PNP para hulihin ang mga drug lord partikular na sa National Capital Region na pinamumunuan ni P/Major General Guillermo Lo­renzo Eleazar.

Hindi lamang puro droga ang matagumpay na inatupag ng PNP kundi pati na rin ang pagbaba ng krimen kung saan nang maupo si Albayalde hanggang nitong mga nagdaang linggo ay walang narinig na nega­tibo laban sa PNP chief – ibig sabihin, maayos ang pagpapatakbo ni Alba­yalde sa PNP.

Pero ngayong nalalapit na ang kanyang pagreretiro, bakit kaya biglang nagkaroon ng negatibong isyu laban sa PNP? Binuhay ang ‘patay’ nang ninja cops.

Dahil sa sinasabing karamihan sa ninja cops ay nasa NCR (Metro Manila), minabuting makipag-coordinate kamakailan ni NCRPO Director, PMaj. Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar kay PDEA Chief, Gen. Aaron Aquino para tingnan ang talaan.

Hayun, lumalabas pala sa talaan na karamihan na nasa listahan ay hindi na aktibo – AWOL na. Simula nang malaman nilang kabilang na sila sa sinusubaybayan ng PNP ay nag-AWOL na ang mga ito. So, hindi na sila pulis o matatawag na ninja cops. Hindi na pulis e. Malinaw! Ano pa man, hinahanting na ang mga nalalabi pang nag-AWOL na pulis.

Maalala ko nga noong bagong upong QCPD Director si Eleazar, hindi matatawaran ang kanyang giyera laban sa ninja cops sa Kyusi. Buong unit ng Batasan Police Station 6 – Station Drugs Enforcement Unit ay kanyang pinagsisibak matapos na masangkot sa droga ang ilan sa kanila. Pinagsisibak din niya ang bumubuo ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) nang ilan ding pulis dito ang nasangkot sa pag-recycle ng droga. Isa nga sa kanila ay napatay sa buy-bust operation ng QCPD.

Kung susuriin, ang sentro ng isyu sa pagbuhay ng ninja cops ay sa NCR. Indirectly tinitira ang NCRPO dahil res­ponsibilidad daw nito ang pulisya sa bawat sulok ng Metro Manila. Sino ang hepe ng NCRPO ngayon, hindi ba si Eleazar?

Inaasahan din na si Elea­zar ang ieendorso ni Albayalde kay Pangulong Duterte na ipapalit sa kanya.

Ngayon, ba’t pilit na ginigiba ang kredibilidad ni Albayalde? Para sabihin na walang kuwenta ang kanyang irerekomenda bilang susunod na PNP Chief? KAAA … BOOM! (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment