PAALAM, SENATE PRESIDENT NENE PIMENTEL

yourservice

NAALALA ko pa noong manungkulan si Senator Nene Pimental bilang Senate President.

Ngunit mas lalo ko siyang nakilala nang maisama ako sa mga napiling sasama sa kanyang grupo sa Davao upang isulong noon ang kanyang minumungkahing Pederalismo para sa Pilipinas.

Bilang senador — makikita mong tapat siya sa sinumpaang tungkulin — madalas nakikilahok sa mga sesyon at usapin tungkol sa samu’t ­saring panukalang batas na tinatalakay sa komite man o sa plenaryo. Bilang ­Pangulo ng Senado — naipamalas niya hindi lamang ang kanyang kakaibang liderato sa Senado kundi ang kanyang unawa para sa mga taong bumubuo nito — ang mga opisyales at mga tauhan sa Secretariat. Sa ilalim ng kanyang pamumuno at pamamahala ay naging pangalawang ama siya ng lahat.

Bukas lagi ang kanyang pinto para makinig at umunawa sa mga hinaing at hiling ng mga tao — ano man ang ­kanilang antas sa trabaho. Tumayo siya bilang ama hindi lamang ng Senado dahil siya ang nahirang na Pangulo nito, kundi dahil tinuring niya kami na parang mga anak.

Bilang tao — ­minabuti niyang ipamalas sa kanyang mga salita at galaw ang respeto sa ­kapwa tao, ang ­pang-unawa sa bawat suliranin, ang pasensya sa gitna ng gulo, at pakikiisa sa pagsulong ng mga solusyon sa ­problema ng ating bayan nuon. Simple, mapagkumbaba, ­maalalahanin — mas ­naaalala ko si Senator Nene Pimentel sa kanyang pagngiti sa mga pulong, sa mga usapin at sa pakikitungo sa kanyang makakasalubong sa loob ng mga pasilyo ng Senado. Isang ngiting totoo na nagsasabing handa Siyang makinig, makiramay, at makiisa sa ikalulutas ng anomang suliranin sa abot ng kanyang makakaya. Walang halong pambobola, walang halong pamumulitika — tapatan, seryosohan, trabaho lang.

Sa kanyang pagpanaw, isang tanyag na ilaw at gabay ng demokrasya ang nawala.

Tinuturing ng karamihan ito na isang ­malaking kawalan. Hahanap-hanapin natin ang kanyang mga opinyon, mga payo at mga paalala sa ating mga haharaping suliranin. Sa kanyang pagpanaw — iniwan niya ang isang alaala ng kagitingan at katapatan sa paglilingkod sa bayan. Kung ating iisipin, mahirap sundan o tularan man ang kanyang mga ginawa para sa bayan ngunit nagbibigay siya ng pag-asa na sa bawat suliranin — may solusyon.

Iniisip ko na lamang na sa kanyang pagpanaw ay iniiwanan niya tayo ng isang hamon.

Isang hamon sa bawat Pilipinong nabubuhay ­ngayon — na gampanan natin ang ating tungkulin bilang anak ng Bayang ito — matapat, masipag, mapangunawa at mapagmahal sa kapwa. Ating tularan ang buhay ng yumaong Senate President Nene Pimentel at matuto tayong ­maging tunay na Pilipino sa ­ating sariling bansa — sa isip, sa puso, sa salita, at sa diwa. Paalam, Senate President Nene Pimentel, hindi ka namin makalilimutan at salamat sa inyong mga nagawa para sa ating Inang Bayan. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment