PAALAM 2019

BOMBA KA DAY

PAGSAPIT ng alas-12 ng hatinggabi bukas, tuluyan nang titiklop ang huling pahina ng kalendaryo ng 2019.

Hindi itataboy kundi lalapatan lang ng bago.

2020 na. Ang taon ng metal rat ayon sa Chinese zodiac.

Kapag bago, asahan ang preskong panimula na hatid ng kinakapitang pag-asa.

May iba’t ibang tra­disyon ang mga tao sa pagpasok ng bagong taon.

Madagundong ang pa­­putok upang itaboy ang malas, naghahanda ng malalagkit na pagkain para dumikit ang swerte at iba pa na ang tinutumbok ay maalwang pamumuhay, mabuting kalusugan at ma-gandang samahan at relasyon.

Gaano man kahirap o kapangit ang nagdaang taon, ang mga Pinoy ay laging nakatanaw sa magandang bukas.

Iyan na ata ang isa sa mga ugali natin na mahirap mabura ng panahon – PAG-ASA.

Nitong huling mga araw ng taong 2019, dinalaw ng kamalasan ang ilan nating kababayan. Labis silang sinalanta ng bagyong Ursula. Marami ang namatay.

Pero bago iyan, mala­king bahagi ng Mindanao ang niyanig ng magnitude 6.9 na lindol.

Kaya naman marami sa mga apektado ang nagdiwang ng Pasko sa mga tent at iba pang lugar na nagsil-bing evacuation center.

Napanood ko sa tele­bisyon ang interview sa ilang namamalagi sa tent. Abala sila noon sa pagluluto ng kanilang ihahanda para sa Noche Buena. Pangunahing pagkain ay spaghetti na mula sa ipinamahaging relief goods. Naroon ang pait sa kanilang mga ngiti dahil sa abang kalaga­yan na kailangan nilang pag-tiisan. Pero puno pa rin sila ng pasasalamat sa Poong Maykapal dahil nasira man at nagiba ang kanilang mga tahanan ay nanatiling buo ang kanilang pamilya.

Ang kanilang pagsasama-sama sa araw ng Pasko ay itinuturing nilang biyaya sa likod ng nangyaring tra-hedya.

Positibo pa rin ang kanilang pananaw at hindi nawawalan ng pag-asa.

Iyan din ang resulta sa survey na inilabas ng SWS nitong isang araw.

Ayon sa survey, nasa 96 porsiyento ng 1,200 Pinoy na tinanong ng SWS pollster ang nagsabing papasok sila sa taong 2020 nang may pag-asa sa halip na pangamba.

Ayon sa pag-aaral, apat na puntong mas mataas ito sa naitalang bilang ng mga Filipino na umaasa ng mas magandang hinaharap kumpara noong taong 2018.

Ayon sa SWS, ang pagiging positibo o pagkakaroon ng magandang pananaw ng mga Filipino sa tuwing papasok ang bagong taon ay laging mataas at hindi minsan man bumaba sa 80 bahag­dan mula nang magsagawa ng survey ang SWS simula taong 2000.

May pag-asa.

Ang pag-asa ay nasa puso ngunit hindi mabubuo tungo sa katuparan kung hindi gagawa ang mismong may katawan.

Nasa tao ang tunay na diwa ng pag-asa na gabay upang hindi panghinaan ng loob at harapin ang anomang mangyayari ngayong bagong taon.

Pananalig ang kasabay ng pag-asa upang matamo ang inaasam.

Isama na natin sa pagtiklop ng taon ang lungkot at hindi ang magagandang pangyayari.

May pag-asa ang tao at ito ay hindi lang nakaangkla sa bagong sigwa ng bagong taon.

Nawa’y salubungin na­ting lahat ang taong 2020 nang ligtas, payapa at maligaya.

Happy New Year sa ating lahat! (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment