PAALALA VS. HUMAN TRAFFICKING

BOMBAHAN NA FINAL

MARAMING beses nang nagpaalala si Bureau of Immigration (BI) Commssioner Jaime Morente na mag-ingat laban sa sindikato ng human trafficking na nag-o-operate sa bansa pero binabalewala pa rin ng mga Pinoy.

Nito lang Oktubre, taong ito, hindi bababa sa 21 katao ang naharang ng mga tauhan ng Immigration na nakatalaga sa iba’t ibang paliparan sa bansa na biktima ng human trafficking.

Sa report ni BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, apat na hindi dokumentadong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang tinanggap bilang Household Service Workers (HSW) sa bansang Dubai.

Kung hindi tayo nagkakamali, ito ang dating tinatawag na Domestic Helper (DH).

Siyembre, hindi sila dokumentado kaya hinarang sila ng mga tauhan ng Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nangyari ang pagharang sa kanila noong nakaraang Oktubre 9, 2019 ng mga miyembro ng Bureau’s Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) ng BI.

Tinangka ng apat na lumipad patungong Bangkok, Thailand at nagpanggap na mga turista. Pasaway!

Buti na lang alertado na, talentado pa ang mga tauhan ni sir Jaime M.

Hindi magkakatugma ang sinasabi ng mga biktima ng human trafficking patungkol sa mga dokumento nila kaya naman nahalata ng mga taga-TCEU na hindi silang totoong mga turista.

Plano raw ng handler ng apat na pagdating nila sa Bangkok ay muli silang paliliparin patungong United Arab Emirates (UAE) para sa final destination.

Kaya kayo napapahamak sa ibang bansa dahil pumapatol kayo sa ilegal na proseso, tapos pag nagkaproblema kayo sisihin niyo ang gobyerno? Galing noh!?

Hindi kayo natatakot na pagdating nyo sa ibang bansa walang kasiguruhan ang inyong pupuntahan?

Hindi hanapbuhay ang pupuntahan nyo run kundi hanap patay.

Tiyak na kapahamakan ang mapupuntahan nyo. Kaya maraming napapahamak sa mga Pinoy sa ibang bansa lalo na riyan sa Gitnang Silangan dahil ilegal ang pagpasok nyo.

Malalaman pa ba ng gobyerno at kamag-anak nyo kung gagawan kayo ng masama habang nasa bahay kayo ng Arabong walang puso sa mga kasambahay?

Kahit anong pagsisikap ng administrasyong Duterte na protektahan ang mga OFW, pero kung kayo naman ay hindi nag-iingat para sa sarili nyo hindi matitigil ang pang-aabuso sa inyo.

Madali namang makapag-abroad nang legal, bakit pa kayo pumapatol sa ilegal?

Bakit kailangan nyo pang magpapanggap na mga turista para lang makapag-abroad kayo?

Nitong nakaraang Oktubre 16 at 17, labing pito (17) katao na naman ang naharang ng mga taga-Immigration sa Mactan Airport.

Pasakay na sana papuntang Hong Kong at Macau ang mga Pinay na ito.

At pagdating nila run ay muli silang sasakay ng eroplano papunta sa kanilang final destination sa UAE at Qatar. Ang titigas talaga ng mga ulo nyo!

Sa Mactan airport na sana palulusutin ng sindikato ang kanilang mga kliyente pero nabisto sila ng BI.

Para lang kayong nagtatapon ng basura sa ibang bansa ah!

Sana makarma itong nambibiktima ng mga kababayan natin.

Ayon kay Ma. Asuncion Palma-Gil, BI-MCIA’s travel control and enforcement unit (TCEU) head, ang 17 pasahero ay offloaded na ng  limang iba’t ibang flights at ang 13 sa mga ito na-hire para magtrabaho sa Dubai, samantalang ang apat ay papuntang Qatar.

Hindi alam ng mga ito ang kanilang travel itinerary, malalaman lang nila pagdating nila sa HongKong at Macau at dun na sasabihin sa kanila ng kanilang handler (miyembro ng sindikato).

Sa ganyang diskarte pa lang, dapat matakot na kayo.

Kaya ‘wag kayong magagalit pag hinarang kayo ng mga taga-Immigration dahil inililigtas lang kayo sa tiyak na kapahamakan.

Pwede naman kayong mag-abroad nang legal, bakit kailangan nyo pang dumaan sa ilegal?

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa BOMBAHAN NA mag-email joel2amongo@yahoo.com/operarioj45@gmail.com (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Related posts

Leave a Comment