P500-M BAWAT KONGRESISTA

BAKBAKAN NATIN

TAMPOK na balita ngayon ang pagbabago ng mukha ng kampanya laban sa ilegal na droga dahil tinanggap ni Bise-Presidente Ma. Leonora “Leni” Robredo ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging co-chairman ng Inter-agency Committee Against Drugs (ICAD) at ang pinakaaabangang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).

Mistulang mga ba­gong lutong pandesal ang dalawang isyu na ‘yan pero hindi mainit at matunog ang inamin sa media kamakailan ni Speaker Alan Peter Cayetano na ang totoong ipinasok at inilaang pera ng pamahalaan sa bawat kongresista ng bawat distrito sa bansa ay P500 milyon para sa 2020 badyet ng pambansang pamahalaan.

Ang limangdaang mil­yong badyet ng bawat kongresista sa bawat distrito ng bansa ay pasok sa ipinasa ng Kamara de Representantes na hini­hinging P4.1 trilyong badyet ng administrasyong Duterte para sa 2020.

Sisimulan nang busisiin at talakayin ng bawat komite ng Senado ang P4.1 trilyon.

Masyadong malaki ang P500 milyon.

Napakalayo nito sa P100 milyong sinabi ni Rep. Joey Salceda ilang buwan na ang nakalilipas.

Hindi lang malinaw kung maging ang mga kinatawan ng party-list ay mayroon ding P500 milyon tulad nina Rep. Michael Romero at Rep. Enrico Pineda ng 1-PACMAN; Rep. Conrado Estrella III ng ABONO; Rep. Eufemia Cullamat, Rep. Ferdinand Gaite at Rep. Carlos Izagani Zarate ng BAYAN MUNA; Rep. Arlene Brosas ng GAB­RIELA; Rep. Sarah Jane Elago ng KABATAAN; Rep. Eduardo Villanueva at Rep. Domingo Rivera ng CIBAC (Citizens Battle Against Corruption).

Ang mga binanggit kong mambabatas ay mga kinatawan ng mga mahihirap, pinabayaan at pinagsasamantalahang sektor ng ating lipunan.

Sabi ni Cayetano, ang P500 milyong pondo ng bawat kinatawan ng distrito ay kabuuan ng mga proyektong isasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd) at Department of Agriculture (DA) na nakatuon sa “build, build, build projects” ng bawat distrito.

Si Speaker Cayetano ay kinatawan ng Taguig at Pateros (unang distrito) sa mababang kapulungan ng Kongreso mula 2019 hanggang 2022.

Ang kanyang asawa na si Rep. Ma. Laarni “Lani” Cayetano ay kinatawan naman ng ikalawang distrito ng Taguig.

Kaya aabot sa isang bilyon ang mapupunta sa Lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros.

Ano-ano kaya ang mga proyektong ito?

Sana umunlad nang tuluyan ang Taguig at Pateros sa loob ng isang taon, sapagkat ang isang bilyon ay nakalaan lamang sa loob ng isang taon.

Sana ang bawat limangdaang milyon ng bawat kongresista ay mapunta sa mga proyekto nila at hindi maging ka­ragdagang yaman.

Sabi ni Cayetano, hindi “lump sum” ang P500 milyon kaya tiniyak niyang walang korapsyon.

Ang ibig sabihin ng lump sum ay hindi detalyado at hindi tukoy ang bawat programa at proyekto na paglalaanan ng pera.

Kaya madaling manakaw ang pera dahil mistulang Pacific Ocean ang hitsura nito.

Ngunit hindi naman ibig sabihin na literal nang walang magaganap na korapsyon sa mga proyekto kapag lump sum ang diskarte sa paglalatag ng pondo.

Ang sistema ng korapsyon na alam ng nakararami ay ang pondong nakalaan sa proyektong kalsada o tulay, halimbawa, ay nakapila ang komis­yon ng mga opisyal na aabutan ng kontraktor ng proyekto.

Ang totoo, hindi lang naman sa lump sum nagkakaroon ng korapsyon sa bilyun-bilyong pera ng pamahalaan.

Kahit sa mga detalyadong programa at proyekto patungkol sa “hard projects” at soft projects” ay nagaganap pa rin ang katiwalian at korapsyon hanggang sa antas ng barangay.

Syempre, todo-todong itatanggi ito ng mga kongresista.

Kung si Senador Panfilo “Ping” Lacson ang tatanungin, sigurado siyang mayroong P20 bilyong ‘nakaparadang’ pera sa P4.1 trilyon.

Umabot sa P10 bilyon ang nakapila para sa DPWH, tugon ni Lacson.

Mayroon ding nakaparada para sa Department of the Interior and Local Government (DILG), patuloy ng senador.

Ang ibig sabihin ng nakaparadang pondo ay sa simula nakalaan sa isang distrito o kagawaran ang pondo, ngunit ililipat sa ibang distrito o kagawaran.

Ang isa pang kaduda-duda sa ipinasa nina Speaker Caye­tano ay mayroong mga inilaang badyet na lump sum, diin ni Lacson.

Labag ito sa desisyon ng Korte Suprema noong 2013.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment